top of page
Writer's pictureThe Communicator

BALITA | PUP, ikinasa ang unang araw ng balik-eskwela; COCians, nagbigay-panawagan ukol sa LBE

Opisyal na sinimulan ang unang araw ng ikalawang semestre at pagbabalik-pamantasan ng mga iskolar ng bayan sa Polytechnic University of the Philippines Sta. Mesa at mga branch and satellite campus nito noon Marso 20, Lunes.



Matapos ang higit tatlong taon ng online distance learning dahil sa pandemya, kasama ng maraming panawagan para sa ligtas na balik-eskwela, muling binuksan ng Sintang Paaralan ang mga klasrum nito para sa "hybrid mode of learning" ngayong semestre, alinsunod sa Commission on Higher Education (CHED) Memorandum Order No. 16 na inilabas noong Disyembre 5, 2022.


Sinalubong ng mga PUPian ang pagbubukas ng ikalawang semestre sa pagdalo sa Tanglaw Fest na idinaos sa pamumuno ng Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM), kung saan tampok ang mga pagtatanghal ng mga estudyante at iba't ibang booths ng bawat organisasyon sa University Avenue. Layon nitong isulong ang mga adbokasiya na ipinaglalaban ng mga iskolar ng bayan gaya ng pagtutol sa mandatory ROTC, budget cut, at PUV modernization program.


Dumagsa ang mga estudyante sa unang araw ng pagbubukas ng klase kaya naging mahirap ang pagpapanatili ng social distancing ngunit makikitang ipinatupad pa rin ang mga minimum health protocol gaya ng temperature check at pagsusuot ng face mask.


Ngayong simula ng limited face-to-face classes, ilan sa mga inaasahan ng mga iskolar ng bayan ang mas maayos na pasilidad at epektibong sistema ng edukasyon bunga ng ilang taong paghahanda para rito.

“Tatlong taon nang nawala ang mga estudyante. Sana mas maayos na yung facilities para mas safe at mas clean yung environment na pag-aaralan ng mga estudyante kasi a clean and safe environment can contribute to the productivity of the students,” ayon kay Katrina Barlis ng BABR 2-1N.


Marami sa mga estudyante ang inihanda ang kanilang sarili kabilang na ang kanilang mentalidad, kalusugan, at pinansyal na estado. Ayon kay Roselyn Dapiton mula sa College of Communication (COC), magiging magastos ang setup ngayong semestre kaya kinakailangan ng paghahanda at pagkondisyon sa sarili.


“Since face-to-face na, alam naman natin ‘yong gastos. So [ang preparasyon ko] financially, nag work ako para may magiging allowance ako sa face-to-face. Mentally naman, kinokondisyon ko na rin 'yung sarili ko sa kung paano mababalance 'yung mga bagay,” ani ni Dapiton.


Dagdag pa niya, malaki ang shift from online to face-to-face class kaya hindi ito magiging madali. Kaya naman, isa sa mga panawagan niya ay ang “mabilis at malinaw” na guidelines sa magiging setup at sistema ngayong semestre.


Bukod sa mga hinaing ng mga estudyante, isa rin sa nakikitang suliraning kakaharapin ng mga Iskolar ng Bayan ay ang nagbabantang pagpapatupad ng jeepney phaseout.


Ipinahayag ni Daryn Rivera mula sa PUP College of Communication Student Council (COC SC) na mahalaga para sa mga estudyante ang mga jeep dahil ito ang pinakamurang transportasyon papunta sa Sintang Paaralan.


“Hindi pa siguro ready financially kasi alam naman natin ngayon na mataas ang inflation rate at mababa ang sahod ng mga mamamayan at sana nga hindi ituloy ang jeepney phaseout kasi ayon lang ‘yong pinakamurang transportation sa amin,” dagdag pa niya.


Nanawagan din ang mga ilang estudyante gaya ni Dhayshel Tinoy ng BAJ 1-1N sa patuloy na pakikinig ng PUP administration sa mga hinaing at suhestiyon ng mga iskolar ng bayan para sa ligtas na balik-eskwela. Matatandaang gumawa ng 9-point COC Balik-Eskwela Demands ang PUP COC kabilang dito ang hiling na maipatupad ang PUP Ligtas Balik-Eskwela Policy.


“Sana patuloy kayong [PUP administration] na makinig. Just try to listen more to students' concerns kasi after all, dapat hindi naman tayo nagiging hostile sa isa't-isa since we all want a better education for every PUPians. Sana rin ay pakinggan ‘yong demands sa 9-pointers ng Ligtas na Balik-Eskwela kasi those are the collective voice not just of the COCians, but the whole iskolar ng bayan community,” saad ni Tinoy.


Upang mapadali ang paglipat mula distance learning patungong face-to-face classes, nais suportahan ng administrasyon ng PUP ang mga diyalogo sa pagitan ng mga mag-aaral at propesor. Inaasahang isasaalang-alang nito ang mga kalagayan ng mga estudyante, gaya ng isyu sa pagdalo sa klase, at mga konsiderasyon para sa mga nagtatrabahong mag-aaral.


Ang opisyal na tuntunin para sa ikalawang semestre ay ibabatay sa Advisory No. 1, series of 2023 ng Office of the Vice President for Academic Affairs (OVPAA). Sa loob ng isang semestre, magkakaroon ng hindi bababa sa anim na linggong on-site classes mula Marso hanggang Hulyo.



Artikulo nina: Joanna Martinez at Jhonathan Orlanda

Grapiks: Rhea Dianne Macasieb


Comments


bottom of page