“Nako-compromise ang quality education dahil nagiging colonized at commercialized ang edukasyon sa bansa.”
Mariing pahayag ito ni Camille Finuliar, instruktor sa ginanap na educational discussion na pinangunahan ng Alyansa ng Kabataang Mamamahayag (AKM) ng PUP na siya ring dinaluhan ng ilang publikasyon sa loob ng pamantasan nitong Sabado, Pebrero 4, sa pamamagitan ng Google Meet.
Naging sentro ng diskusyon ang pagiging neoliberal ng sistema ng edukasyon at maging ang ilan pang problema na kinakaharap ng bansa sa gitna ng pandemya sa sektor ng edukasyon.
Binigyang-diin din sa diskusyon ang importansya at gampanin ng mga publikasyon sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon at sa paggamit ng plataporma sa mga makabuluhang aksyon para sa pagbabagong panlipunan na hinahangad.
Ayon kay John Robert de Castro, punong patnugot ng The Catalyst, nararapat lamang na gamitin ang mga publikasyon upang maipabatid ang mga diskurso tungkol sa neoliberal na edukasyon, Mandatory Reserve Officers' Training Corps (MROTC), at Ligtas na Balik-Eskwela (LBE), hindi lamang para sa mga estudyante, kundi pati na rin sa komunidad na nakapalibot sa pamantasan.
Pahayag ni Finuliar ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), nararanasan pa rin ng mga estudyanteng Pilipino ang kawalan ng maayos at dekalidad na edukasyon na sanhi ng neoliberal na estado ng bansa.
Bilang konteksto, ang Neoliberalism ay ang pang-ekonomiyang polisiya na nakatuon sa malayang kalakalan at pribatisasyon sa bansa.
Aniya, marami na sa mga paaralan at unibersidad sa bansa ang nagiging commercialized kung saan nabibili ng malalaking kompanya ang mga unibersidad na nagiging corporate-owned schools, dahilan upang tumaas ang matrikula at miscellaneous fees na binabayaran ng mga nag-aaral kada taon.
"Kaya nagiging kolonyal, kasi it follows the footsteps of bourgeois-liberal ideas and ideology," pagpapaliwanag ni Finuliar.
Inihalimbawa ni Finuliar ang K-12 Program bilang pagpapatunay na nagiging kolonyal ang Philippine education system dahil sa hindi pagiging handa ng kurikulum at walang konkretong plano na naipatupad sa panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III kung saan naglalayong maihanda ang mga mag-aaral na maging ‘globally competitive’.
Subalit, ang iilan ay sinasabi na ang K-12 ay inihahanda lamang ang mga kabataan para makapagbigay ng "cheap labor" sa ibang bansa kapag nakapagtapos na sila ng pag-aaral, pahayag ng instruktor.
Pagpapaliwanag pa ni Finuliar, dahil sa kawalan ng suporta ng gobyerno sa mga manggagawang Pilipino, napipilitan na mangibang bansa ang ilan lalo na ang mga fresh graduate upang makakuha ng magandang oportunidad, mataas na sweldo at mga benepisyo kaysa manatili sa bayan para magsilbi.
"Hindi nila [ng gobyerno] ini-enhance yung mga benefits ng workers natin dito sa Pilipinas para mag-stay sila rito," ayon kay Finuliar.
𝗘𝘀𝘁𝗮𝗱𝗼 𝗻𝗴 𝗻𝗲𝗼𝗹𝗶𝗯𝗲𝗿𝗮𝗹 𝗻𝗮 𝗲𝗱𝘂𝗸𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻
Nababahala rin ang ilang youth leaders at organizations sa napakaraming budget cuts sa state universities and colleges (SUCs) noong 2020 hanggang ngayon, kung saan isa lamang sa 116 na unibersidad ang hindi nakatanggap ng budget cut para sa 2023 ayon sa Kabataan Partylist.
Binanggit din ng mga ito ang nakaamba ring limang porsiyentong pagtapyas sa badyet ng PUP na katumbas ng P129 milyon dahilan upang mabawasan ang kalidad ng edukasyon ng mga iskolar ng bayan. Anila, itinuturing itong isang "threat" sa edukasyon sapagkat maraming estudyante ang maaapektuhan nito.
Isa pang suliranin na kinakaharap ng sektor ng edukasyon ay ang pagtaas ng tuition and other school fees (TOSF), kung saan tinatayang 650 sa 900 TOSF ang naaprubahan.
Ayon pa kay Finuliar, para sa isang minimum wage earner na may binubuhay na pamilya ay dagdag-pasakit ang pagtaas ng matrikula, at dapat isa sa binibigay ng gobyerno ang accessibility para sa magandang kalidad ng edukasyon sa kahit anong estado para sa mga mag-aaral.
Naaalarma rin ang mga lider-estudyante at publikasyon dahil sa mga pumapasok na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) personnel sa mga unibersidad.
"Gusto nilang masupil ang mga kabataan na manahimik na lang at mag-aral," giit pa ni Finuliar.
Sa muling pagbabalik ng MROTC sa mga pamantasan, maraming lider-estudyante, organisasyon at mga alyansa ang nagsasama-sama upang tutulan ito.
Kaugnay pa nito, noong Enero 30 ay nagkilos-protesta ang mga lider estudyante at mga youth organization sa lahat ng mga senador para makapaghain ng position paper sa pagtutol sa MROTC, ayon sa AKM.
𝗞𝗿𝗶𝘀𝗶𝘀 𝗻𝗴 𝗲𝗱𝘂𝗸𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻 𝘀𝗮 𝗴𝗶𝘁𝗻𝗮 𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗻𝗱𝗲𝗺𝘆𝗮
Matatandaan ding pagkatapos iulat ang muling pagbubukas ng pisikal na klase ay mahigit sa 700 pribadong paaralan ang napilitang magsara partikular ang mga maliliit na eskwelahan sa kadahilanang ang kanilang mga estudyante ay lumilipat sa pampublikong paaralan, paglalahad ni Finuliar.
Base sa mga numero na ibinigay sa talakayan, sa gitna ng pandemya ay bumaba ang datos nang halos 21% o mahigit 5.6 milyong estudyante ang hindi nag-enroll para sa panuruang taong 2020-2021 sa basic education. Nagtala rin ng mataas na bilang na tinatayang 65,000 dropouts sa mga SUC dahil sa kawalan ng kakayahan ng mga estudyante na sustentuhan ang kanilang pag-aaral.
"Ayaw i-admit ng DepEd ang massive dropout rate. Kahit kailan ay hindi nila ina-address ang kahirapan at ang panawagan ng mga estudyante sa mga ganitong setup," saad ni Finuliar.
Gayunpaman, iniulat pa ni Finuliar ang kawalan ng sapat na kakayahan ng mga magulang upang turuan ang kanilang mga anak sa gitna ng online at distance learning, sapagkat sila mismo marahil ay hindi nakapag-aral at naghahanap-buhay.
Dagdag pa niya, hindi lahat ng estudyante ay may sapat na gadgets at internet connection para sa online classes at hindi lahat ng bahay ay may maayos na lugar upang makapagpokus sila sa kanilang pag-aaral.
"Sobrang exhausting and draining ang online classes kaya pinipili na lang na magtrabaho [ng iilang estudyante] kaysa mag-aral dahil pinipili na maging praktikal," ani Finuliar matapos talakayin ang mga suliranin na dulot ng online classes sa physical, emotional, at mental state ng mga mag-aaral.
Dahil sa mga ito, tila naipapasa na sa mga indibidwal ang responsibilidad na siyang dapat gampanin ng institusyon, ani Finuliar, sapagkat nagiging mabigat na pasanin sa mga estudyante at magulang ang ganitong disposisyon ng neoliberalismo sa edukasyon.
Sa pagtatapos ng educational discussion, inanyayahan ng AKM at CEGP ang mga publikasyon na makiisa sa unity statement, mga manipesto, at mga mobilisasyon na gaganapin sa hinaharap.
Artikulo: Rhoze Ann Abog
Grapiks: Cathlyn de Raya
Comments