top of page
Writer's pictureThe Communicator

Cumpio, sumalang sa korte makalipas ang apat na taon

Pinabulaanan nina Frenchie Mae Cumpio at Maye Domequil ng Rural Missionaries of the Philippines (RMP) ang paratang na illegal possession of firearms and explosives na isinampa sa kanila ng pulisya noong 2020 kahapon, Nobyembre 11, sa Tacloban Regional Trial Court Branch 45. 


Kuha mula sa Altermidya

Sinampahan din sila ng kasong terrorism financing noong 2022.


Ito ang kauna-unahang pagkakataong nakapaghain ng testimonya si Cumpio mula nang maaresto, apat na taon na ang nakalilipas.


Ayon sa testimonya ni Cumpio, gawa-gawa lamang ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang sinasabing kaganapan noong hinuli sila. 


Pinatotohanan niya ang pagiging community journalist at miyembro ng International Association of Women in Radio and Television (IAWRT) at Altermidya.


Ipinakita niya ang mga registration papers ng pahayagang Eastern Vista kung saan siya ay Executive Director, pati ang iba’t-ibang certificates mula sa mga training na dinaluhan niya bilang mamamahayag at radio broadcaster.


Isinumite rin ni Cumpio ang isang fact sheet na nagtala ng mga serye ng surveillance at harassment simula Disyembre 2019 hanggang sa pagkahuli ng Tacloban 5 noong Pebrero 2020. Kabilang dito ang mga report na inilathala ng Altermidya at alert mula sa Center for Media Freedom and Responsibility.


Kronolohiya ng pangyayari  


Sa raid na isinagawa noong alas dos ng madaling araw noong Pebrero 7, 2020, dalawang bahay ang nilusob ng kapulisan—ang bahay na tinutuluyan ni Cumpio at Domequil, at bahay na tinutuluyan nina Marissa Cabaljao, Mira Legion, at Chakoy Abinguna.


Pilit na pinadapa ng pulisya sina Cumpio at Domequil bago tuluyang palabasin sa kwarto. Dahil dito, hindi nila makita ang ginagawa ng kapulisan sa mga oras na ‘yon. 


“There were men moving around the room. I only saw their boots,” ani Cumpio.


Nakitaan ang nasabing kwarto ng higit-kumulang na limang daang libong piso, pangunahing batayan upang sampahan sila ng kasong terrorism financing.


Pinaghihinalaan ng awtoridad ang perang nakalaan para sa broadcasting radio station ni Cumpio bilang pangpondo umano sa rebolusyonaryong grupong New People’s Army (NPA).


“We would have allowed them in our room because we’re not hiding anything illegal,” sambit ni Cumpio.


Dagdag pa niya, walang search o arrest warrant na pinakita ang awtoridad sa nasabing raid.


Naghain naman ang mga abogado ni Cumpio ng mga larawan ng pangalawang bahay na nilusob. Isa sa mga nasabing larawan ay ang karatula sa gate na may nakalagay na “Bawal magtanim ng ebidensya rito.”


Ipinakita rin sa hearing ang request letter ng Katungod Siringan Bisayas (SB) hinggil sa pagsasagawa ng mga ocular inspection bilang preemptive measure sa mga serye ng raid. Natanggap ito ng Commision on Human Rights (CHR) Region 8 noong Pebrero 6, 2020, isang araw bago ang iligal na pag-aresto sa Tacloban 5.


NTF-ELCAC at counter-insurgency programs 


Matapos ang panghuhuli sa Tacloban 5, isa ang Eastern Visayas sa nilunsaran ng counter-insurgency programs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. 


Sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ang programang Barangay Development Plan (BDP) ay naglalayong supilin ang armadong pakikibaka ng NPA kada barangay sa rehiyon sa pamamagitan ng pagpapataas ng sosyo-ekonomikong antas ng bawat mamamayan sa rehiyon.


Matatandaang ilan sa mga ebidensyang itinanim sa tinutuluyan nila Cumpio at Domequil ay mga bandila ng rebolusyonaryong grupong Communist Party of the Philippines (CPP), NPA, at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) bukod pa sa mga baril, bala, at bomba.


Lumala ang militarisasyon sa rehiyon ng Eastern Visayas mula nang maihain ang Memorandum No. 32 ni Duterte.


Isa pa rito ang Anti-Terrorism Act of 2020 na naging instrumento sa mga pag-atake sa mga mamamahayag at kritiko.


“Mas lalo ko naintindihan kung bakit pinili ni ate [Maye] na maging human rights defender. Sa lahat ng nakikinig at nakakakita, sana ay makiisa kayo sa laban ng Tacloban 5,” ani Iris Domequil sa ginanap na mobilisasyon sa tapat ng Department of Justice (DOJ) kahapon, Nobyembre 11.


Muling sasalang ng korte si Cumpio sa Enero 13, 2025, samantalang wala pang itinakdang araw para kay Domequil.


With reports from the Philippine Collegian


Artikulo: Elijah Pineda

Grapiks: Marc Nathaniel Servo

Comments


bottom of page