top of page

Bakit sa walkout idinaraan ang pakikibaka?

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 7 minutes ago
  • 4 min read

Sa kabila ng kitang-kitang bakas ng korapsyon, pagsasawalang-bahala sa edukasyon, at pang-aabuso sa kapangyarihan ng pamahalaan, hindi pa rin malinaw sa lahat ang dahilan at kahalagahan ng pagsasagawa ng malawakang walkout sa iba't ibang mga pamantasan sa bansa.


ree

Ang ilan, imbes na tingnan ang walkout bilang isang makabuluhang hakbang, ay itinuturing lamang itong palusot ng mga estudyante upang lumiban sa klase at takbuhan ang mga pang-akademikong gawain—kaisipang nakaugat sa kakulangan ng pag-unawa sa tunay na layunin ng pagkilos.


Ngunit, ano nga ba muna ang walkout?


Itinuturing na isang plataporma upang magkaroon ng mapayapang pakikibaka ang walkout. Dito nangyayari ang pansamantalang pagtigil ng klase upang isakatuparan ang isang malawakang kilos-protestang dinadaluhan hindi lamang ng mga estudyante at guro, kundi pati na rin ng iba pang kawani at mga progresibong grupo sa loob o labas man ng unibersidad. Layunin nitong iparinig sa pamahalaan ang mariing pagtutol ng taumbayan sa iba't ibang isyung panlipunan, tulad na lamang ng katiwalian.


Nitong Oktubre 10, higit isang buwan matapos na magsimula ang pasukan sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), muli na namang gumawa ng kasaysayan ang mga Iskolar ng Bayan nang ikasa ang isang system-wide walkout sa pamantasan. Ayon sa tala ng nag-organisa ng protesta, tinatayang nasa 15,000 estudyante mula sa iba't ibang branches at satellite campuses ang nakiisa sa gawaing ito—patunay kung gaano kahangos ang mga Iskolar na maiparinig ang kanilang mga hinaing at panawagan sa gobyerno.


Hindi lamang saklaw ng protesta ang paulit-ulit nang iniindang mababang pondo para sa PUP. Kabilang din sa mga isyung panlipunang tinalakay rito ang pasismong pamumuno, patuloy na panunupil sa malayang pamamahayag, aksyon ng pamahalaan sa tuwing may sakuna, at ang wala pa ring kamatayan at lalo pa ngang lumalalang kaso ng korapsyon. Ilan lamang ito sa mga nasa listahan ng suliraning kinakaharap ng bansa, hindi pa kasama ang isyu ng kahirapan, kalusugan, at diskriminasyon.


Ngayon ang tanong, kailangan pa bang tanungin kung bakit sa walkout idinaraan ng mga estudyante ang kanilang pakikibaka kung malinaw naman na sa mga nangyayari sa paligid ang sagot?


Marahil sa iba ay kailangan pa rin, dahil mas pinipili nilang magbulag-bulagan at magbingi-bingihan na lamang. Ngunit para sa mga mag-aaral at ibang nakauunawa, sapat nang ibukas ang mga mata at tainga upang malaman at maintindihan ang kasagutan. 


Matagal nang hinaharap ng mga PUPian ang stereotype na lahat ng mga estudyante sa unibersidad ay aktibista, na imbes kahangaan ay binibigyan ng negatibong kahulugan ng iba at ikinakabit pa sa pagiging [rebelde o] terorista—sa madaling salita, red tagging.


Bukod riyan, narito pa ang ilang mga pasaring na madalas binabanggit ng karamihan sa social media, hindi lamang nitong nagdaang walkout, kundi tuwing may nangyayaring protesta:


“Iskolar pinapa[aral] ng gobyerno gamit [a]ng tax natin tapos kakalabanin pa [a]ng gobyerno.”


“Hindi ‘yan [nakakatulong] sa bansa. Iskolar ng Bayan kayo! [Panindigan] n’yo ‘yan sa pag[-]aaral [nang] mabuti, para [madali] makatapos, [doon makakatulong] kayo sa bayan!”


“Mga [g]alit sa [korapsyon] pero sa [kani-kanilang] mga [b]ahay [korap] din.. Hindi mautusan sa kanilang [b]ahay.. kung mangupit sa magulang, lakas.. hihingi ng [p]era sa magulang pang[-]project pero nand’yan sa labas nagra[-]rally. [A]no next [d’yan,] inuman pagkatapos?”


Iba't ibang klase ng komento ngunit iisa ang kahulugan: hindi tama ang mag-walkout; negatibo ang epekto ng protesta sa edukasyon ng mga mag-aaral; nasasayang lamang ang oras ng mga lumalahok dito imbes na sa pagkatuto sana ito inilalaan.


Ngunit hindi, maituturing na kababawan lamang ng pag-iisip ang lahat ng ito sapagkat kahit kailan, hindi sayang at magiging problema sa edukasyon ang isang araw na pagpapaliban ng klase upang mag-organisa ng makabuluhang kilos-protesta.


Kailanman, hindi naging mali ang tumindig at magsalita.


Kung ano talaga ang problemang humahadlang sa edukasyon… iyon ay ang mga dahilan kung bakit isinasagawa ang walkout protests


Ano'ng saysay ng pag-aaral at pagsusunog ng kilay kung hahayaan lamang na mabulok ang sistema sa bansa? Paano kung patuloy pa ring nilulustay sa mga walang kwentang bagay ng mga nasa gobyerno ang kaban ng bayan?


Ayon kay Sofia Tañedo, tagapagsalita ng Anakbayan PUP, sa kaniyang naging pahayag noong walkout, “Walang libreng edukasyon. Walang sapat na sahod. Walang serbisyong pangkalusugan. Pero may mansyon, may sasakyan, may air-conditioned na office ang iilan (politiko).”


Hindi pa ba ito sapat na rason para magtungo na sa lansangan at kondenahin ang pamahalaan?


Hindi lamang basta-bastang pag-udlot sa klase upang magprotesta ang layunin ng walkout. Isa itong mahalagang hakbang upang ipakita sa pamahalaan na hindi papayag ang sangkaestudyantehan na habang nasa loob ng malamig at malaking opisina ang mga opisyal ng gobyerno ay nalulugmok naman sa mainit at kulang-kulang na silid-aralan, nanlalagkit at basang-basa ng pawis, ang milyon-milyong mga mag-aaral at Iskolar ng Bayan.


Husto na ang pagtitiis ng mga estudyante sa mga tunay na balakid sa edukasyon kung kaya't paulit-ulit na may nangyayaring mga walkout at kilos-protesta sa mga eskwelahan. Sa patuloy na pag-atake ng estado sa mga nasa laylayan ng lipunan, mas lalo lamang nilang pinagliliyab ang kagustuhan ng mga kabataang lumaban para sa bayan.


“Hindi natin masisisi kung bakit may ilang kabataan na [tinatangan] ang pinakamataas na anyo ng pakikibaka, dahil nakikita nila ang limitasyon ng kasalukuyang sistema,” sabi nga ni Tañedo.


Ito ang dapat na nauunawaan ng lahat: Hindi pagtakas sa pang-akademikong responsibilidad ang pagsasakatuparan ng at pakikilahok sa walkout. Bagkus, isa pa itong paraan ng pagkatuto na nagtuturo sa mga estudyanteng tumaliwas sa mga kamalian at patuloy na itaguyod ang karapatan ng bawat mamamayan.


Tandaan, hindi natatapos sa loob ng silid-aralan ang tungkulin ng mga Iskolar ng Bayan.


Artikulo: Earies Porcioncula

Grapiks: Kent Bicol



Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page