top of page
Writer's pictureThe Communicator

Babae Ka, Hindi Babae Lang: Kababaihan sa Modernong Lipunan

Babae ako, of course…


…kilala akong strong at independent.

…sa paningin ng marami ay empathic, feminine, at emotional ako.

…iniisip ng iba, hindi ko kayang makipagsabayan sa kalalakihan. 


Ganito ang tipikal na pagkakakilanlan sa mga babae. Pero dapat ba manatili na lang na ganito ang nakatatak sa bawat isa?



Sa Lente ng Kababaihan


Isipin mo na ang buhay mo ay nasa larangan ng midya. Sa bawat on ground at field coverage, tiyak na mapapansin mo ang hanay ng kapulisan na nagmamasid sa ‘yo—sunod nang sunod ang tingin. Kasabay pa ang mga kalalakihang mamamahayag bitbit ang mabibigat nilang mga kamera; ang bigat na binubuhat ng isang babae nang mag-isa.


Ganito si Andreana Chavez, isang mag-aaral ng Sosyolohiya at kasalukuyang photojournalist sa The Catalyst—ang opisyal na kampus pahayagan ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas-Sta. Mesa. 


Sa gitna ng mga kaganapang kailangan niyang sundan nang mag-isa, ang pagtiyak sa kanyang seguridad bilang isang babae—mas malapit sa kapahamakan, pambabastos, at pagmamaliit—ang isa sa kanyang mga prayoridad. 


Aminado si Andreana na hirap siya sa paghawak ng kanyang mga kagamitan. Ngunit hindi ito hadlang upang magpatuloy siya sa kanyang tinatahak.


“One of the ongoing struggles I face, stemming from my petite stature, is handling equipment during fieldwork. It’s amusingly ironic that I sometimes find myself laughing as I struggle to maintain a steady grip on my camera. However, I persist and strive to overcome these obstacles, embracing them as opportunities for growth and learning,” saad niya.


Bukod pa rito, kabilang pa sa kanyang mga kinakaharap ay ang mga estereotipo sa mga babaeng photojournalist tulad niya. Madalas kasi siyang tingnan bilang mahinhin, emosyonal, at mahina sa pag-resolba ng mga problema. Ang mga ito ang nagparanas sa kanya ng hindi pantay na pagtingin at pagpapasahod. 


“At the age of 16, I was hired to photograph a wedding, and the head photographer paid me a mere 900 pesos for a full day’s work. His reasoning was that I didn’t have to carry heavy equipment like the male photographers, as he believed my job wasn’t [as] demanding,” pahayag niya.


Sa murang edad pa lamang ay napatunayan na niya ang kakayahang makipagsabayan sa mga propesyonal na litratista. Subalit kaantabay nito ang pagbaliwala sa kanyang mga kakayahan dahil sa kanyang kasarian. 


Sa paniniwala ng marami, kahit anong galing ay hindi pa rin niya kayang higitan ang mga kalalakihan. Sa mga ganitong sitwasyon, nagiging mahalaga para kay Andreana na ipaalala sa sarili ang kanyang halaga.


“In response, I made a decision–I left. In situations where something feels off or uncomfortable, I have developed a mindset of prioritizing my well-being, especially my mental health. I strive to challenge preconceived notions and prove gender does not determine one’s capabilities or worth as a photographer,” paliwanag niya. 


Talagang may kakaiba sa mga kababaihan na tanging sila lang ang nakakaalam. Nakakayanan nilang magbahagi sa isa’t-isa dahil alam nila na sila ang mas nagkakaunawaan, at sa huli, magdadamayan. 


“Gender should never be a barrier to pursuing your passion and achieving your goals. Women have an invaluable contribution to make in every industry, and photojournalism is no exception. Instead, embrace your unique perspective as a woman and use it as a powerful tool for storytelling,” pangwakas niya.


Hindi iniisip ni Andreana ang mga problemang kinakaharap niya bilang isang babae sa industriya, bagkus ginagawa niya itong motibasyon upang patuloy na matuto, manindigan, at patunayan na kaya niyang makipagsabayan sa kalalakihan.


Padyak ng Pagsusumikap


Madalas natin marinig ang mga katagang “kapag driver, sweet lover.” Ngunit sa mainit na lansangan ng Pureza, may nakamamangha itong bersyon—“kapag driver, pwedeng mother.”


Sa nakasanayan, kapag sinabing driver, ang una nating naiisip ay ang imahe ng mga lalaki. Tila sila talaga ang umuusbong sa ganitong trabaho. Ngunit para kay Jhoann Calindas, 42 taong gulang, ang pagpapadyak ay para sa kahit sino—lalo na kapag ang pangangailangan ng pamilya ang pinag-uusapan. 


“Kung kaya naman ng lalaki, kaya rin ng babae. Kaso nga lang maraming nagsasabi na trabahong panlalaki, hindi pambabae. Pero sa hirap ng buhay, kailangan mo rin mag-hanapbuhay. Hindi lang asawa mo, kasi sa hirap ng buhay ngayon, kailangan [kayong] dalawa ang kumayod,” tinuran niya. 


Hindi madaling trabaho ang pagpepedicab—babad sa arawan, kinakailangan ng malakasang pagpadyak, matibay na motibasyon, at mahabang pasensya sa paghihintay dahil bubuno ka ng maghapon gamit ang sidecar kapalit ang P20 na bayad bawat hatid. 


Arkilado lamang ang gamit na sidecar ni Jhoann; kinakailangan niya magbigay ng boundary na P50 sa may-ari nito. 


“Eh ngayong umaga pala. Naka-100 pesos pa lang ako. Eh kaninang madaling araw pa ako dito eh. Hindi naman kami nagsasakay [papunta] sa PUP. ‘Yung mga estudyante, tricycle ang pinipili nila. Kasi [sa byahe] pa-PUP namin P40 eh, o 30 kaya bihira lang ang may gustong sumakay. Kadalasang sakay namin ang mga nagtatrabaho,” dagdag pa niya. 


Gayunpaman, tila napapagaan ang bigat ng kanyang hanapbuhay dahil hindi naman iba ang turing sa kanya ng kapwa niya mga pedicab driver


Ayon sa kanya, tatlo silang babae na pumipila sa kanilang linya. Bagaman kaunti, at dominante ng kalalakihan ang kanilang trabaho, kapatid umano ang turingan nila at pantay-pantay silang mga nagpapadyak, mapababae man o lalaki. 


Bagaman maayos naman ang kanyang mga karanasan, hindi niya pa rin ito inirerekomenda sa ibang kababaihan. 


“Naku, mahirap. Mahirap mag-pedicab. Kung may ibang pwede kang pasukan, pumasok ka ng iba, huwag ka na mag-pedicab. Mahirap. Araw-araw na babyahe ka, mahirap. Tulad niyan, ang biyahe namin ngayon, dati P500, ngayon P300 na lang per day. Maghapon na yun. Hanggang sa gabi kulang yun,” paliwanag niya.


Tindig ng Isang Lady Guard 


Sa bawat establisyimento, unang sasalubong at makikita ang tindig ng mga security guard, ngunit paano nga ba tumindig ang isang babae sa ganitong uri ng trabaho? Upang masubukan ang buhay sekyu, pinasok ni Norelyn Cantoria ang isang trabahong kadalasan ay kalalakihan ang pumapasok. 


Kung papansinin, kahit ang mga istasyon ng LRT at MRT ay mayroon nang mga lady guard. Ngunit, hindi pa rin maiiwasan na may ibang pakikitungo at pagtingin sa kanila dahil sa pagiging babae.


“Parang mababa ang tingin nila sa amin kasi babae kami, na parang hindi mo kayang sumunod sa mga rules na ipinapatupad kasi babae ka. Sasabihan ka pa ng kung anu-ano, ‘Security ka lang, hindi mo kaya,’” paliwanag niya. 


Kayang-kaya naman talaga ng mga babae gawin ang mga trabahong tipikal na kilala bilang panlalaki. Ngunit hindi maitatangging hadlang ang pagkakaroon ng mga estereotipo na nakatatak na sa isip ng karamihan, na ang pagiging babae ay konektado sa mga salitang malambot at emosyonal.


“Dapat laging mahaba ang pasensya, hayaan niyo lang yung mga passenger na masusungit kasi natural lang ‘yan sa trabaho. Tapos para walang gulo, hayaan niyo na lang kung sabihan ka na mababa ang tingin sa inyo, hayaan mo na lang basta ginagawa mo yung trabaho mo,” dagdag na paliwanag ni Norelyn.


Sa tuloy-tuloy na pagbabago ng panahon, kaakibat ang kanya-kanyang mga tungkulin at papel ng bawat indibidwal sa araw-araw, hindi na talaga natin masasabi kung sino ang nararapat sa bawat trabaho. 


Sina Andreana, Jhoann, at Norelyn ay ilan lamang sa marami pang kwento ng kababaihang patuloy na namumuhay sa mundong dominante ng mga kalalakihan.


Iba-iba man ang motibasyon sa pagpasok sa iba’t-ibang hanapbuhay, pinatunayan at pinapatunayan ng mga kababaihan ang kanilang katayuan sa lipunan. Kailanman, hindi basehan ang kasarian sa pagtahak sa landas o pagpasok sa anumang trabaho.


Patuloy na itaas ang bandera at bigyan ng malaya at ligtas na espasyo ang mga kababaihan—anuman ang edad, kulay, laki at postura, maski estado nila sa kanilang buhay. Mabuhay ang mga kababaihan sa lahat ng industriya at larangan! 


Artikulo: Glaiza Chavez at Lovely Arrocena

Grapiks: Alyssa San Diego



コメント


bottom of page