Ano ang Impeachment?
- The Communicator
- Jul 25
- 5 min read
Sa kasaysayan ng Pilipinas, limang opisyal na ang na-impeach ng House of Representatives.
Sa limang ito, si dating Chief Justice Renato Corona lamang ang na-convict. Si dating Pangulong Joseph Estrada, dahil sa People Uprising, bumaba sa pwesto. Sina dating Ombudsman Merceditas Gutierrez at Chairman of Commission on Elections Andres Bautista ay parehong nagbitiw sa pwesto bago pa man masimulan ang kanilang paglilitis.

Ang panlimang opisyal ay si Bise Presidente Sara Duterte—ang kauna-unahang bise ng bansa na nalilitis sa ilalim ng isang impeachment trial. Ngunit hanggang ngayon, ang kaso ng Bise Presidente ay nagmistulang ping-pong ball na pinagpapasahan ng Kongreso.
Sa kabila ng mga ito, ano nga ba ang impeachment at ang proseso nito? Ano ang kahalagahan nito sa publiko?
Impeachment at mga Batayan nito
Ayon sa Article 11 ng 1987 Constitution of the Philippines, ang impeachment ay ang kapangyarihan ng Kongreso na patalsikin sa pwesto ang isang mataas na opisyal na magtataksil at gagawa ng mabigat na krimen sa taumbayan.
Ang mga opisyal na maaaring ma-impeach ay ang mga sumusunod:
Presidente
Bise-Presidente
Miyembro o Mahistrado ng Korte Suprema
Miyembro ng Constitutional Commissions gaya ng Commission on Audit (COA), Civil Service Commission (CSC), at Commission on Elections (COMELEC)
Ombudsman
Sa Section 2 ng parehong artikulo, nakasaad ang mga batayan ng impeachment:
Lantarang Paglabag sa Konstitusyon (Culpable violation of the Constitution)
Pagtataksil (treason)
Pagpapasuhol (bribery)
Korapsyon (graft and corruption)
Pagtataksil sa tiwala ng bayan (betrayal of public trust)
Iba pang mabibigat na krimen (other high crimes)
Proseso ng Impeachment
Mahaba ang proseso ng pagsasakdal. Mayroon itong dalawang yugto: Pagsimula (initiation) at Paglilitis (trial).
Tatlo ang maaaring magsampa ng sinumpaang reklamo upang simulan ang impeachment:
Isang Miyembro ng House of Representatives;
Isang sibilyan na may endorsement mula sa isang miyembro ng House; o
Resolusyon na nilagdaan ng 1/3 ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan.
Sa kaso ng bise, 215 kongresista o lagpas pa sa kinakailangan ang bumoto para siya ay ma-impeach.
Pagkatapos sa Kamara, ihahain sa Senado ang Articles of Impeachment na siyang kailangang litisin at pagbotohan ng senator-judges.
Ano ang Articles of Impeachment?
Ang Articles of Impeachment ay ang dokumentong naglalaman ng mga batayan (grounds) sa pag-impeach sa isang opisyal.
Sa pag-impeach kay Sara Duterte, pito ang inihaing batayan ng mga kongresista. Ang mga ito ay nakasandig sa pagtataksil ng bise sa tiwala ng publiko, korapsyon, at kabuuan ng kanyang pag-uugali bilang bise presidente.
Ang mga batayang ito ay nanggaling sa hindi maipaliwanag na paggastos sa Confidential at Intelligence Funds (CIF) sa kanyang opisina bilang bise at kalihim ng Department of Education (DepEd) at ang lantarang pagtatangka sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos, First Lady Liza Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.
Hindi tulad sa House, 2/3 o 16 na mga senador ang kailangang bumoto na sang-ayon sa kahit isang batayan upang ma-convict ang isang mataas na opisyal.
Senado Bilang Korte, Abogado ng Publiko
Hindi gaya ng mga sibil at kriminal na kaso, Senado at hindi Korte Suprema ang naglilitis sa isang na-impeach na opisyal.
Ito ay dahil nakasaad sa Article 11, Section 3 (6) ng Saligang Batas, na Senado lamang ang may kapangyarihang maglitis sa nasasakdal. Ang tanging gampanin ng kataas-taasang hukuman sa prosesong ito ay mamagitan sakaling magkaroon ng lubhang pagsasamantala sa pagpapasiya (grave abuse of discretion).
Kaya naman bilang abogado ng publiko, tungkulin ng Senado na simulan ang paglilitis agad-agad sapagkat ito ang ipinag-uutos ng salitang “forthwith” sa Article 11, Section 3 (4).
Sa katangi-tanging kaso gaya ng impeachment, malaki ang gampanin ng mga senador. Kung kaya’t ang senator-judges ay nanunumpa sa “political neutrality” upang masigurong sila ay magiging patas at pawang abogado lamang ng publiko at hindi ng kung sinong akusado.
Sa kaso ni Inday Sara, malinaw na ang mga kaalyado niyang senator-judges na sina Bato Dela Rosa, Robin Padilla, Imee Marcos, Bong Go, at iba pa, ay nariyan upang ibasura ang impeachment at ipagtanggol ang bise.
Kaya naman hanggang ngayon ay isang malaking katanungan pa rin sa marami kung sino nga ba ang pinagsisilbihan ng mga senador na ito, ang publiko o ang akusado?
Forthwith vs. Legislative Recess
Malinaw na nakasaad sa batas na ang paglilitis sa isang na-impeach na opisyal ay dapat simulan agad-agad at nang hindi naaantala. Ngunit sa kaso ni Inday Sara hindi ito sinunod dahil ang Kongreso ay nasa Legislative Recess para sa 2025 Midterm Elections.
Sa impeachment trial nina Estrada at Corona, nakasanayan na ng Senado na suspindehin ang paglilitis habang sila ay nasa recess.
Gayunpaman, ayon sa isang salungat na pananaw mula sa Impeachment Primer na inilabas ng UP College of Law, maaari at dapat magsagawa agad ng paglilitis ang Senado kahit pa nasa recess ang Kongreso. Ito ay dahil ang impeachment ay isang non-legislative duty ng Kongreso kung kaya’t marapat itong magpatuloy kahit pa suspendido ang sesyon.
Lagay ng Impeachment ng Bise Presidente
June 10, nagpulong ang Senado bilang impeachment court, ngunit agad din nilang napagdesisyunang i-remand o ibalik sa House ang kaso.
Sinuportahan ng 18 senador ang mosyong ito na inihain nina Sen. Dela Rosa at Alan Peter Cayetano.
Lima lamang ang bumoto kontra dito: sina Sen. Risa Hontiveros, Koko Pimentel, Nancy Binay, Grace Poe, at Win Gatchalian.
Sa kasaysayan ng impeachment sa bansa, ngayon lamang nangyari ang pagbabalik ng kaso sa pinagmulan nito. Maging sa kaso nina Estrada at Corona ay hindi ito nangyari sapagkat wala namang salitang “remand” sa Konstitusyon.
Ano ang Susunod na Mangyayari?
Ngayong tapos na ang 19th Congress, maaari at marapat na tumawid sa 20th Congress ang paglilitis sapagkat ang Senado ay isang “continuing body”. Dagdag pa rito, ang impeachment ay hindi tagapagbatas (non-legislative) kung kaya’t hindi ito mawawalan ng bisa sa pagtawid sa panibagong Kongreso.
Sakaling ma-convict si Sara Duterte sa kahit isa mula sa pitong batayan laban sa kanya, matatanggal sa pwesto ang bise at hindi na siya maaaring tumakbo pa sa kahit anong posisyon sa pamahalaan.
Bukod pa rito, sakaling matanggal sa pwesto, maaari pa rin siyang managot sa kasong sibil at kriminal ang isang opisyal nang hindi nalalabag ang double jeopardy na siyang ipinagbabawal ng batas.
Kung mapawalang-sala naman, hindi matatanggal sa pwesto ang bise o ang kung sinumang opisyal, ngunit hindi pa rin ito hadlang upang siya ay managot sa panibagong impeachment na maaari uling ihain laban sa kanya sa mga susunod na taon.
Ano ang Kahalagahan ng Impeachment sa Publiko?
Sa haba ng proseso ng impeachment, isa lamang ang malinaw—ito ay nariyan upang panagutin ang isang opisyal na nagkasala sa publiko.
Ito ay lubhang mahalaga upang makamit ng mga Pilipino ang hustisya mula sa pagtataksil ng isang lider na kanilang binigyang tiwala at kapangyarihan.
Ang impeachment ay katangi-tangi sapagkat pili lamang ang maaaring patawan nito. Kaya naman hindi dapat ito pinagpapasahan ng Kongreso na parang isang bola, kung saan ang walang depensa, ay ang masa.
Artikulo: Rolan Muyot
Grapiks: Ericka Castillo
Commentaires