Tuluyan nang binuksan muli ang pinto ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) para hubugin ang mga bagong iskolar ng bayan. Kasabay ng pagbubukas nito ay ang oportunidad tungo sa abot-kaya, dekalidad na edukasyon, at senyales ng paghahanda para sa mga nagsisilbing “ate” at “kuya” na lumabas at maipamalas ang kanilang natutuhan sa loob ng unibersidad na gumabay sa kanila ng ilang taon.
Isang panibagong kabanata ang maging isang Iskolar ng Bayan, at dagdag pa sa saya ang mapabilang sa sintang paaralan. Panibagong lugar, bagong mga indibidwal, sariwang karunungan at mga inspirasyon na maaaring mapulot sa kwento ng bawat isko at iska na iyong makakasalamuha.
Ngunit hindi lamang mga panibagong isko't iska ang ating sasalubungin kundi pati ang magtatapos na mga iskolar ngayong taon; sila naman ang magsisilbing modelo at tanglaw para sa ibang nagnanais na makapasok sa paaralan, sila naman ang magiging inspirasyon at magbibigay ng pugay sa mga bagay na kanilang natutuhan at nakuha sa loob ng ilang taong pagpapagal sa pag-aaral.
Iba ang pag-asang hatid ng pagkakataong mapabilang sa sintang paaralan, kasabay nito ang malalaking pangarap at hakbangin sa buhay na haharapin at inaasam ng mga bagong iskolar ng bayan. Bukod pa rito ang pananabik sa kalinangan at pagkatuto sa buong taon na gugugulin nila sa kolehiyo.
Ayon kay Galura Paulene, isang bagong iskolar na kumuha ng kursong Diploma in Information Communication and Technology, inaasahan niyang mahubog ang kaisipan, mamulat sa mga bagay na may kalabuan, at umunlad ang pang-akademikong karunungan sa mga susunod na mga panahon.
Para naman kay Johann Michael Fronda, bagong iskolar sa kursong Bachelor of Science in Railway Engineering and Management, nais niyang mapalapit at maging aktibong miyembro hindi lamang ng komunidad ng sintang paaralan kundi sa kabuuan ng ating lipunan.
Ang mga hangaring ito ang mas nagpapatibay sa tuluyan nilang pagpasok sa unibersidad. Dahil sa pagtawid nila sa panibagong tahanan, hindi lang dito mahahasa ang kanilang dunong sa mga propesyon na kanilang nais tahakin sa buhay kundi ay mamumulat din ang kanilang kamalayan sa mga mahahalagang diskusyon, naratibo, at isyung kinakaharap ng ating bayan.
Mararanasan nilang mamuhay sa araw-araw na pakikibaka kasama ang maralitang lungsod, magsisilbing boses ng mga nasa laylayan ng lipunan, at makikibahagi sa pagsulong ng mas makamasa, mapagpalaya, at mapagbagong edukasyon—isang mapaghamong paglalakbay tungo sa pagiging ganap na aktibong mamamayan ng ating bansa.
Patunay na rito ang naranasan nila Jamaica A. Marciano at Genevieve P. Feliciano, mga magsisipagtapos sa sintang paaralan, hindi lamang bilang mga mag-aaral kundi bilang mga mamamahayag din ng unibersidad. Isinalaysay nila na isang makabuluhan at hindi malilimutang karanasan ang pagiging bahagi nila ng isang student publication tulad ng The Communicator at The Catalyst, na naging gabay nila hindi lang sa buhay-estudyante kundi sa maraming aspeto ng kanilang buhay.
Kaya naman hinikayat ni Marciano ang mga bagong iskolar ng bayan na makilahok sa mga samu't saring organisasyon sa loob ng PUP at yakapin kahit ang mga maliliit na oportunidad na darating sa kanilang buhay-estudyante nang sa gayon ay mapalalim pa ang kanilang paglago at pag-unlad sa panahon ng kanilang mga huling kabanata bilang mag-aaral. Habang ipinayo naman ni Feliciano sa mga bagong iskolar ng bayan na palawakin ang kanilang mga kakayahan na makapagsilbi para sa masa at sa komunidad gayundin ay patuloy na manindigan at isulong ang ating mga karapatan higit na sa konteksto ng kasalukuyang panahon.
Salat man sa pagpasok sa unibersidad, mulat naman sa paglabas sa apat na sulok ng silid-aralan ang mga puso't isipan ng mga kabataan tungo sa lipunang payayabungin at pagsisilbihan.
Sa pagpasok ng mga bagong iskolar ng bayan na may mithiing makalabas ng paaralan nang isang ganap na propesyonal at mas malawak ang pag-iisip, nawa'y hindi lamang ang kanilang husay at talino ang mahasa ngunit pati rin ang pagkakaroon ng mga bagong pananaw. Pananaw na hindi lamang magagamit at epektibo sa mga problemang kinakaharap sa loob ng isang silid o isang unibersidad, bagkus pati rin ang naglalayong mabago ang sistema ng bansa at tuluyang makatulong upang ma-i-angat ang mga buhay ng mga nasa laylayan.
Habang ang mga ate at kuya na nagsilbing tanglaw sa ibang mag-aaral ay taas-noong lalabas ng paaralan upang tahakin ang tunay na laban ng buhay at gamitin ang mga kaalamang pinanday sa mahabang panahon, ang sintang paaralan ay mananatiling handang hubugin ang mga bagong iskolar ng bayan na may kakaibang talino at husay na magsisilbing susi at tanglaw ng bayan.
Artikulo: Mary Lou Destao, Noreil Jay Serrano, at Gerie Consolacion
Dibuho: Haui Mizra Sacay
Comments