top of page

Ang Pina(nga)kong Bagong Pilipinas, Bagong Mukha

Writer's picture: Charles Vincent NagañoCharles Vincent Nagaño

Bagong Pilipinas, bagong mukha o bagong manlilimas, bagong luha? May prinsipyo at may isang salita o may pangako at kayo nang bahala?

Bitbit ang mahigit sa kalahati ng mga botante ng bansa, nangibabaw ang tambalang Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio—o mas kilala sa tawag na BBM-Sara—sa nagdaang halalan para sa pagka-pangulo at ikalawang pangulo noong Mayo 2022. 


Dahil sa madugong kasaysayan ng pamumuno ng kanilang mga ama—ang mga dating diktador at pangulo na sina Ferdinand Marcos Sr. at Rodrigo Duterte—naging laman ng mga debate ang kanilang pagtakbo. At sinundan sila nito hanggang sa kanilang pagkapanalo.


Ngunit bukod sa impluwensya ng apelyido at mga magulang, ang isa pa sa mga nagdala sa kanila sa pwesto ay ang kanilang mga pangako—para sa kahirapan, sa lumalalang krisis sa edukasyon, sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at marami pang iba. 


Sa tuwing kinukwestyon ang pagsasakatuparan ng mga pangakong ito, ang laging depensa ng pamahalaan at mga taga-suporta nito ay ang kaiklian ng panahon ng panibagong liderato. Ngayong mahigit isang taon na ang nakalipas nang maupo sila sa pwesto, kumusta na nga kaya ang pangako nilang “bagong Pilipinas, bagong mukha”?


BBM: Benteng Bigas, Meron na Kaya Bukas? 


Isa sa mga tumatak na pangako ni Marcos Jr. noong panahon ng kampanya ay ang pagpapababa sa presyo ng kilo ng bigas sa halagang P20. 


Bago pa man ang kanyang pagtakbo, abot-langit na ang presyo ng mga bilihin. Kaya naman, nang ikampanya niya ang pangakong ito, nakahanap ng makakapitan ang masang kumakalam ang sikmura.


Hanggang sa mga unang buwan sa pwesto ay naniwala ang pangulo na matutupad ang kanyang pangako—sa kabila ng pagtutol at pagtuligsa ng mga eksperto at pagtanggi mismo ng Kagawaran ng Agrikultura. 


Sa bawat pagpilas sa kalendaryo, patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas. Sa katunayan, nitong Disyembre 2023, hindi na bumababa sa halagang P52 ang isang kilo nito—higit doble sa ipinangakong presyo.


Bilang paunang solusyon ng gobyerno, may mga bigas naman na maaaring mabili sa halagang P25 kada kilo sa mga Kadiwa stall. Sa kasalukuyan, habang naghihintay ang mga kumakalam na tiyan, nananatiling hangarin at plano pa rin ang pagpapalawak ng sakop at pagpapatibay sa programang ito.


Ilang bukas pa kaya ang kayang tiisin ng sikmurang unti-unting tinutunaw ang sarili? 


BBM: Bakit Bugnot ang mga Mag-aaral? 


Samu’t saring mga pangkukuwestiyon ang sumalubong sa pagtatalaga ni Marcos Jr. kay Bise Presidente Duterte-Carpio bilang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd). Sa paglipas ng mahigit isang taon, ano na nga kaya ang mga pagbabago sa sektor na ito? 


Unang ipinakilala ng DepEd ang “Matatag” kurikulum, ang binagong bersyon ng K-10 kurikulum.


Isa sa mga pinakamalalaking pagbabago rito ay ang mga pangunahing asignatura sa primaryang edukasyon. Mula sa pito, gagawin na lamang itong lima: Language, Reading and Literacy; Makabansa; Mathematics; at Good Manners and Right Conduct (GMRC). 


Gayundin, inaasahang idadagdag ang “peace education” sa learning competencies ng bagong kurikulum. Matapos ang paunang implementasyon sa piling mga paaralan ngayong taong panuruan 2023-2024, magsisimula itong iangkop sa lahat nang paunti-unti.


Sunod, pinaiigting din ang pagpapatupad sa pinangangambahang Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (MROTC) na mag-oobliga sa mga mag-aaral na makibahagi sa ala-militar na pagsasanay habang nag-aaral. Kasabay din nito ang pagtulak sa National Polytechnic University (NPU) Bill na maaaring magsapribado sa ilang mga pasilidad ng Sintang Paaralan. 


Dagdag gastusin, pasanin, at pahirap. ‘Yan ang sigaw ng mga estudyanteng ginagapang ang matinik na sistema ng edukasyon para lamang makapagtapos ng pag-aaral. 


Kasabay pa ng mga ito ay ang paghiling ng DepEd ng milyon-milyong kompidensyal na pondo na gagamitin umano para sa “pambansang seguridad”—isang bagay na hindi naman saklaw ng ahensya. 


Sa usapin din ng pondo, binalak bawasan ng humigit kumulang P6 bilyon ang badyet ng state universities and colleges (SUCs) sa iminungkahing 2024 National Expenditure Program (NEP) ng Kagawaran ng Badyet at Pamamahala (DBM). Ngunit matapos ulanin ng mga protesta sa pangunguna ng iba’t ibang grupo ng mga guro at mag-aaral, ibinasura rin ang planong ito. Itinaas ng Kongreso ang pondo ng SUCs nang 27% mula sa orihinal na plano. 


Sa kabila ng lahat ng ito, natapos ang 2023 na nananatili ang bansa sa isa sa mga pinaka nahuhuli pagdating sa matematika, pagbasa, at agham, ayon sa datos at pag-aaral ng Program for International Student Assessment (PISA). Ito ay repleksyon ng patuloy na pagbaba ng kalidad ng edukasyon sa bansa. 


Ngayon, bakit nga kaya bugnot ang mga mag-aaral?


BBM: Baka Bukas May Trabaho Na


Mahirap humanap ng trabaho sa Pilipinas. Minsan ay dahil sa abot-langit na pamantayan, minsan naman ay dahil sa kakulangan sa oportunidad. 


Kaya naman, naging bahagi ng plano ni Marcos Jr. ang pagpapalakas sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga imprastrakturang magbubukas umano ng maraming oportunidad sa mga Pilipino. 


Ayon sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong 2023, 5% hanggang 6% ng gross domestic product (GDP) ng bansa ang balak ilaan para sa mga ito. 


Dagdag pa, naisabatas na rin ang Trabaho Para sa Bayan (TPB) Act nitong Setyembre na naglalayong gumawa ng pambansang masterplan upang bigyang solusyon ang isyu ng kawalan ng trabaho.


Balintuna rito, ang pamahalaan din mismo ang nagtuloy sa pagtatanggal sa mga tradisyunal na dyip sa kalsada. Tinanggalan nila ng hanapbuhay ang libu-libong mga Pilipino, taliwas sa kanilang pangako.


Hanggang ngayon, hindi pa rin bumababa sa 4% ang dami ng mga Pilipinong walang trabaho. 


BBM: Banta sa Buhay ng Midya


Tila isang bangungot pa rin ang pagiging alagad ng midya sa Pilipinas.


Sa pagtatapos ng 2023, apat na mamamahayag na ang pinatay sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr. 


Kaugnay nito, nakapagtala rin ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ng 100 pag-atake sa mga peryodistang Pilipino simula nang umupo siya sa pwesto. Bukod sa mga pagpaslang, kabilang din sa mga pag-atakeng ito ang mapanganib na red-tagging, pagmamanman, at pagbisita ng mga pulis. 


Ang dinanas nina Rey Blanco, Percy Lapid, Cresenciano Bunduquin, Juan Jumalon at ng marami pang mga mamamahayag ay representasyon ng reyalidad na kinakaharap ng propesyon sa bansa—madilim, mapanganib at nakakabahala. 


Ang mas nakakaalarma pa ay bukod sa nakabibinging katahimikan, wala nang iba pang maririnig mula sa pamahalaan. 


BBM: Bakla, Bakla, Maririnig Ka na Kaya? 


May lugar na nga kaya ang mga miyembro ng komunidad ng LGBTQIA+ sa bagong Pilipinas? 


Sa nagdaang SONA 2023, walang kahit isang pangungusap ang pumapatungkol sa pagtataguyod at pagprotekta sa karapatan ng mga miyembro ng komunidad. 


Gayunpaman, nagkaroon ng ilang mga makabuluhang hakbang ang pamahalaan para rito. 


Inaprubahan na ng House Committee on Women and Gender Equality ang Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression, or Sex Characteristics (SOGIESC) Bill na ilang taon nang nakatambak sa Kongreso. Sunod, sa bisa ng Executive Order 51 s. 2023, bumuo ang pamahalaan ng espesyal na komite para sa mga usapin tungkol sa komunidad.  


Bagaman may ilang hakbang pasulong, nananatiling walang konkretong plano ang pamahalaan sa mas malalaki pang isyung kinakaharap ng minoryang grupo. 


Makakamtan pa kaya ang bagong Pilipinas kung paulit-ulit na pasakit lang din ang kinakaharap ng mga Pilipino? Makakakita pa kaya ng bagong mukha kung ang mga posisyon sa gobyerno ay tila isang lumang pianong pinagpapasa-pasahan lamang ng ilang pamilya? 


Hangga’t may lansangang pupuntahan at may mukhang itataas-noo ang mga nagugutom, tinanggalan ng hanapbuhay, at pinagkaitan ng karapatan, maaaring matamasa ang tunay na bagong Pilipinas at bagong mukha. Sapagkat ang tunay na bagong Pilipinas ay para sa masa, at ang tunay na bagong mukha ay ang pinagsama-sama nilang hulma at itsura.


Artikulo: Charles Vincent Nagaño

Grapiks: Renzo Cabitlada

Comments


bottom of page