top of page

Ang Pamilya sa Iba't Ibang Mukha

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Sa ilalim ng iisang bubong—binubuo ng haligi, ilaw, at pundasyon.

Ang pamilya ang itinuturing na pangunahing yunit ng lipunan kung saan nagsisimulang hubugin ang bawat indibidwal upang maging ganap na mamamayan. Isang institusyon na nabubuo sa pag-iibigan ng isang babae at lalaki at pinagtibay ng sakramento ng kasal.


Karaniwan, ang mga ama o tatay bilang haligi ng tahanan ang sumusuporta sa pagkakatayo ng isang bahay at ang tagapagtaguyod ng pamilya. Sila ang naghahanapbuhay upang kumita at matugunan ang mga pangangailangan sa araw-araw. Ang mga ina o nanay naman ang ilaw ng tahanan na nagsisilbing liwanag sa pagsapit ng dilim, ang siyang nangangasiwa, nag-aalaga, at gumagabay sa pamilya. Habang ang mga anak ang pundasyon na siyang nagpapatatag sa estruktura nito.


Ito ang kultura ng pamilya na ating kinagisnan na nagpaparamdam sa atin ng seguridad, suporta, pagtanggap, at higit sa lahat, pagmamahal. Ngunit gaya ng tahanan, sa tuwing hahagupit ang isang malakas na bagyo, nasusubok din ang katatagan ng isang pamilya sa mga hamon ng buhay.


Ang mga Hamong Ugat ng Hiwalayan


Noong 2020, naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagtaas ng bilang ng paghihiwalay at pagwawalang-bisa ng kasal sa bansa. Mula sa 1.5% o halos 1.2 milyon noong 2015, lumobo na ito sa 1.9% o higit 1.6 milyon.


Ayon kay Dr. Camille C. Garcia, ang mga karaniwang dahilan sa hiwalayan ng mga mag-asawa ay ang pagtataksil, isyu sa pera, pang-aabusong pisikal, pasalita, at emosyonal, adiksyon o pagkagumon, at pagsusugal. Ito ang nagbibigay lamat sa samahan ng pamilya kaya’t pinipili ng maraming mag-asawa na wakasan na ang lumalabong pagsasama.


Kalayaan, panibagong simula, at pagkakataon man ang pagtitiwalag sa sirang relasyon, maaaring kalungkutan naman ang dulot nito sa mga anak na wala nang matatawag na kumpletong pamilya. Sila ang pangunahing apektado at naiipit sa sitwasyon ng tahanang wala nang haligi o ilaw pa na makakapitan.


Maituturing pa kayang isang pamilya ang tahanan na walang ama, ina, o mga anak?


Ang Iba’t Ibang Mukha ng Pamilya 


Kung titignan ang katayuan ng mga nag-iisang magulang o mga single parent, ang kawalan ng karamay ay hindi hadlang sa pagtataguyod at pagpaparamdam ng buong pamilya para sa mga anak. Bagaman hindi madali ang pasan na mga responsibilidad, patuloy ang kanilang pagsusumikap upang mapunan ang pagmamahal at kalinga ng isang magulang.


Ang mga mag-asawa naman na hindi nabiyayaan ng anak ay nakakamit pa rin ang hinahangad na pamilya sa pamamagitan ng pag-aampon at pagsubok ng mga siyentipiko o medikal na pamamaraan. Ang ilan naman na talagang ninais na hindi na magkaroon ng anak ay tinanggap na lamang ang mamuhay na walang mga anak at inilaan ang sarili sa mga nagpapasaya sa kanila tulad ng pag-aalaga ng hayop. 


Sa madaling sabi, ang pamilya ay hindi lamang nasusukat sa pagiging buo o sa dugo na dumadaloy sa mga bahagi nito ngunit sa kakayahan natin na magparamdam ng pagmamahal, pag-aaruga, at pagtanggap sa mga responsibilidad na kaakibat nito.


Ang Tahanan sa ilalim ng Bahagharing Pamilya


Kaya naman, hindi na dapat maging kuwestiyon ang pagsasama ng dalawang lalaki o dalawang babae na nag-aasam din ng pamilya. Dahil gaya ng karaniwang mga mag-asawa, sila ay pinagbuklod din lamang ng pag-ibig—na sadyang wala namang pinipiling kasarian. Nagkakaroon lamang ito ng malisya sa mata ng lipunan.


Sa Pilipinas, tila suntok pa rin sa buwan ang ganap na pagsasama ng mga same-sex couple sa bisa ng kasal. Noong Enero 2020, binalewala ng Korte Suprema ang mosyon na muling konsiderasyon sa naging hatol noong Setyembre 2019 na tumututol sa petisyon ng pagsasaligal ng same-sex marriage sa bansa. 


Sa kabila ng malayo pa nitong katuparan dulot ng kasalukuyang batas at pagtingin sa Pilipinas, unti-unti nang nakakamit ang pagtanggap sa mga sekswulidad na kabilang sa bahagharing komunidad. Ayon sa Pew Research Center, 73% ng mga Pilipino ay naniniwalang dapat tanggapin ang homosekswalidad sa lipunan. Ayon naman sa Social Weather Stations (SWS), higit 70% ang nagsasabing ang mga “gay” at “lesbian” ay mapagkakatiwalaan at nakatutulong sa pag-unlad ng bansa. 


Samakatuwid, ang mga homosekswal ay may kakayahan ding magtatag ng kanilang pamilya at magpalaki ng mga anak gaya ng mga heterosekswal. Hindi batayan ang kasarian upang timbangin ang tunay nilang kakayahan at karakter na maging magulang. 


Ang Pangalawang Pamilya 


Sa patuloy na dagok na kinahaharap ng maraming tahanan, ang konsepto ng pamilya ay hindi lamang nakakulong sa bawat sulok ng karaniwan at tradisyunal na depinisyon nito. 


Ang presensya na dapat mayroon ang isang pamilya tulad ng pagkakaroon ng tainga na handang makinig, isip na bukas sa pag-unawa, at pusong may malasakit ay maaari rin maramdaman sa piling ng iba.


Maaaring sa malalapit na mga kaibigan, kaklase, katrabaho, o samahan na nagsisilbing pangalawang pamilya na nagbibigay sa atin ng kasiyahan at siyang palaging takbuhan sa tuwing may pinagdaraanan. Hindi man magkadugo o mula sa iisang tahanan, ngunit sa isip at puso, magkakadikit pa rin at tila tunay na magkakapatid.  


Ang Matibay na Pamilya Tungo sa Matatag na Lipunan


Mahalaga ang ginagampanan ng bawat pamilya sa isang lipunan dahil sa paggabay, pangaral, at disiplina na nagmumula rito. Ang pagkatao ng isang indibidwal ay nabubuo, itinataguyod,  at inihahanda para sa mas malawak na mundo. 


Ang pagpapalakas ng pamilya ay pagpapapalakas ng lipunan kaya’t nakasalaysay sa bawat tahanan ang posibleng kinabukasan ng bayan. Ang pagmamahal na pundasyon nito ang dapat na mas mangibabaw upang mapanatili ang pagkakabuklod-buklod at masayang pagsasama sa pagitan ng mga bumubuo sa isang pamilya.  


Ang taunang pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Pamilya ay isang pagpapaalala na ang pamilya ay hindi lamang umiikot sa tradisyonal na imahe nito; ito rin ay may iba’t ibang mukha na makikita sa modernong panahon.


Artikulo: Brian Rubenecia

Grapiks: Ramier Vincent Quiatchon Pediangco


Comments


bottom of page