top of page
Writer's pictureThe Communicator

Ang Pagtindig ng mga Kababaihan sa Pagbabago

Tuloy-tuloy at hindi na mapatatahimik pa ang pagkalampag ni Maria Clara sa kaniyang selda.



Hindi na mabilang ang mga pagbabagong namayani kasabay ng paglipas ng panahon. Ang kababaihang minsang ikinulong sa apat na sulok ng tahanan ay nakawala na sa mga makalumang pamantayan. Hindi na alintana pa ang hindi makabasag pinggan na pag-uugali sa kasalukuyan, dahil ang bawat modernong Pilipina ay walang takot nang binabasag ang mga salaming balakid sa kanilang pagtatagumpay sa bawat larangan. 


Ilan lamang sina Hidilyn Diaz, Lea Salonga, Catriona Gray, Socorro Ramos, Whang-Od Oggay, at Leni Robredo sa mga hinahangaang kababaihang nagpapamalas ng kanilang ganda, husay, at karunungan sa lipunang dominado ng kalalakihan. Hindi lamang sila, napakarami na ring kababaihan ang nagsisilbing patunay na walang Pilipinang ”babae lang.”


Kung babalikan ang kasaysayan, malalaman na hindi lamang sa kasalukuyan nagkaroon ng lakas na tumindig ang kababaihan para sa sarili at para sa bayan. Ito ay pinatunayan nina Gabriela Silang, Teresa Magbanua, Melchora Aquino, at iba pang mga Pilipinang bayani na hindi kasarian ang naging basehan ng katapangan upang lumaban at manindigan. Ang tunay na batayan nito ay ang adhikaing dala at pagmamahal na alay sa lupang sinilangan.


Hindi pa ba sapat ang nakaraan at kasalukuyan para patunayang kailangan din sa pagbabago ang kababaihan? Sila rin ay mahalagang bahagi ng pag-abot sa pagbabagong matagal nang ninanais. Ngunit hanggang ngayon, kakarampot pa lamang ang magandang pagbabagong nagawa para sa kanilang kapakanan.


Bagama't nabuwag na ang hawla ng lumang pagtingin sa kababaihan, nananatili pa rin silang nakagapos sa mapanghamak na mga problema at hindi patas na pagtrato. Sa nagdaang ulat ng World Economic Forum na 2023 Global Gender Gap Index (GGGI), ang Pilipinas ay ika-18 ranggo sa 146 na mga bansang nagtagumpay sa pag-ibsan ng gender gaps. 


Ngunit nananatiling kakarampot ang oportunidad para sa mga kababaihan sa larangan ng pagtatrabaho at pulitika. Sa isang pag-aaral noong 2019, tanging 49% lamang ang bilang ng kababaihang nakakapagtrabaho at 65% naman ang naniniwala sa kakayahan ng mga kababaihang nanunungkulan.


Tunay nga na mahirap ang maging isang babae dahil hindi pa rin nabibigyan ng sapat na tugon ang kanilang mga hinaing. Bagama’t may mga batas nang naipasa kagaya ng Anti-Violence Against Women and Children Act (R.A. 9261), Anti-Discrimination Against Women Act (R.A 6725), Women in Development and Nation Building Act (R.A. 7192), Rape Victim Assistance and Protection Act (R.A. 8505), at Magna Carta for Women (R.A. 9710); nanatiling kulang sa pangil ang pagpapatupad ng mga ito at napakaraming nanghihingi pa rin ng hustisya. Walang tunay na pagbabagong magaganap kung tanging pagkukulang at pagpapabaya ang hinahayaang manaig ng mga nakaupo. 


Bukod sa mga pagsubok sa pagkakapantay-pantay at kawalan ng matibay na pagpapatupad ng mga batas, ang mga karapatang nararapat na ipagkaloob sa kababaihan ay patuloy pa ring ipinagdadamot. Ilan sa mga kontrobersyal na usapin sa kasalukuyan ay ang pagpapasa ng batas ukol sa aborsyon at diborsyo. 


Ang lantarang pagtuligsa ng gobyerno at Komisyon sa Karapatang Pantao laban sa aborsyon ay nag-aalis sa kalayaan ng isang babae na magdesisyon para sa sariling katawan at kapakanan. Sa katotohanan, hindi lahat ng kababaihan ay may kakayahang bumuhay ng kanilang anak lalo na kung hindi nila ginustong pasukin ang ganitong sitwasyon. Kaya hindi ba dapat sa kanila ipagpasalagay ang desisyong ito sa halip na sa mga konserbatibong paniniwala? 


Komplikado rin ang estado ng pagpapasa ng diborsyo sa bansa. Napagpapasawalang bahala ang kahalagahan nito dahil sa pagkakaroon ng mga proseso ng pagsasawalang-bisa ng kasal (annulment) at ligal na paghihiwalay. Bagama’t pareho lamang itong tumatapos ng ligal na ugnayan ng mag-asawa,  ang diborsiyo ay higit na mas madali at mabilis na proseso kung saan hindi kinakailangan ng matagal na deliberasyon sa korte at mga komplikadong dahilan. 


Ang 5.5% na datos sa karahasan sa mga tahanan sa Pilipinas ay patuloy pa ring tumataas mula noong 2022. Kaya nararapat lamang na mabigyan ng pagpipilian at mabilis na progreso ang mga biktima ng pang-aabuso upang makalaya sa mga mapanakit at mapagsamantalang relasyon.


Kailan kaya giginhawa ang estado ng kababaihan sa lipunan? Hanggang kailan nga ba sila hindi mabibigyan ng pantay na pagtrato? Ito ang mga katanungang hinahanapan pa rin ng sagot hanggang sa kasalukuyan.


Ang pagdiriwang ng National Women’s Month tuwing Marso ay ipinasa sa ilalim ng Proklamasyon blg. 224, Proklamasyon blg. 227, at R.A. 6949. Ito ay upang bigyang pagkilala ang mga tagumpay ng kababaihan at pagtuunan ang mga usapin ukol sa pagkakapantay-pantay ng kasarian, ngunit hindi lamang ngayong buwan ito dapat na pinag-uusapan. Kung tunay na pagbago at progreso ang ninanais para sa lugmok na lipunan, dapat mga layuning may aksyon din ang tuloy-tuloy na isinasagawa.


Hangga’t dumarami ang suliraning nakaangkla sa pagiging isang babae, dapat patuloy ring tumitindig ang bawat Pilipina para sa kanilang mga karapatan at ipinaglalaban. Huwag natin hayaang ang mga mapangmata at mapanliit na mga kuda ang magdikta sa kung ano ang magiging limitasyon ng ating pagkakakilanlan.


Nawa’y mamulat na rin ang mga bulag sa tunay na potensyal at kahalagahan ng bawat babae. Dahil ano man ang kasarian ay may mahalagang gampanin ang bawat Pilipino sa pagpital ng mga posas ng kawalan ng pagkakapantay-pantay. Hindi na kagaya ng dati si Maria Clara na paprente-prente at tatahimik na lamang sa loob ng kaniyang selda. Kasama ng lahat ng kababaihan, sila ay kakawala sa pagkakatanikala at patuloy na titindig para sa tunay na pagbabago.


Artikulo: Mary Ellen Faith Montemayor

Dibuho: Kaiser Aaron Caya

Comments


bottom of page