top of page

Ang Mga Supling ng Himagsikang Pilipino

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Sino nga ba ang tunay na pumatay kay Bonifacio?

Ngayong taon, ginugunita natin ang ika-160 anibersaryo ng kapanganakan ng Ama ng Himagsikang Pilipino, Ama ng Katipunan, ang Supremo—ang nag-iisang si Gat Andres Bonifacio. Para sa ilan, lalo na sa mga taong malikot ang isipan, ay palaisipan pa rin kung sino nga ba ang pumatay sa kanya.


Ang pinakapinaniniwalaang naratibo ay mula sa isang salaysay ng ninuno ng mga dating Presidente—mula sa impluwensyal na pamilyang Macapagal.


Ayon sa sariling anekdota, si Lazaro Macapagal, isang heneral ni Emilio Aguinaldo, ang nagsentensya ng kamatayan kina Bonifacio at sa kapatid nitong si Procopio sa pamamagitan ng pagbaril sa Maragondon, Cavite.


Samantala, noong dekada 1950, naging prominente ang anekdota ni Guillermo Masangkay, kaibigan ni Bonifacio at isa sa mga pinakaunang Katipunero, na nagsasabing pinag-iitak daw ang bayani.


Ngunit, anuman sa dalawang pagsasalaysay ang paniwalaan o tanggapin, isang detalye sa mga kuwentong ito ang sigurado ang mga historyador: ang pumaslang kay Bonifacio ay kapwa niya Pilipino. Ito ang dahilan kaya ang kanyang kaarawan ang siyang inaalala kada taon, salungat sa ibang mga bayani na namatay sa kamay ng mga dayuhan, kung kaya’t ang kanilang kamatayan ang ating ginugunita.


Ngunit kung tutuusin, hindi pa naman talaga patay si Bonifacio.


Ang kanyang diwa ay patuloy na nabubuhay sa mabagsik na mga lansangan kung saan nagkakadaupang-palad ang pwersa ng masa at kapulisan—mula sa kahabaan ng Mendiola, hanggang sa mga pamantasang nagsusulong ng pangingialam sa lipunan. Ang kanyang dugo ay nananalaytay sa laman ng mga ordinaryong Pilipinong nakikilahok sa kalye, nananawagan, at nakikibaka para sa pagbabago.


Walang duda, matagal nang popular ang paghahalintulad sa Ama ng Katipunan sa mga aktibistang Pilipino ng kasalukuyang panahon. Maging ang mga historyador ay naniniwalang kung nabubuhay lamang siya ngayon, ay susuportahan niya ang karapatan ng bawat indibidwal na maghayag sa pamamagitan ng pagpoprotesta.


Malaki ang ginampanan ng aktibismo sa paghulma ng kasalukuyang lipunan sa Pilipinas. Mula sa paglaya ng bansa sa mga tanikala ng Espanya—kung saan isinilang ang Katipunan ng mga makabayang masa—hanggang sa pagpapatalsik sa opresibong rehimen ni Marcos Sr. noong panahon ng Batas Militar na lumupig sa isang henerasyon ng mga lider at kabataang aktibo.


Dito na rin isinilang ang salitang “tibak,” na sa kasalukuyan ay naging kolokyal na bansag sa mga Pilipinong nakikilahok sa aktibismo. Nagmula ito sa orihinal na “aktibista,” na ngayon ay may bitbit nang negatibong konotasyon sa pagtingin ng publiko. Para sa iba, nakikita ito bilang “pagrereklamo,” na kung ilalagay sa lokal na konteksto ay nangangahulugang tila paghahanap lamang ng mapupuna. Ang pagtutol sa mga problematikong institusyon, polisiya, at ideya—lahat kadalasang kaugnay ng gobyerno—ay tinitingnan bilang hindi pagsunod o pagsalungat. Minsan nga ay itinuturing pang paggawa ng gulo kahit dinadaan naman sa mapayapang demonstrasyon ang mga panawagan.


Sa ilalim ng administrasyong Duterte, labis-labis ang inindang pang-aatake ng mga aktibistang Pilipino, kabataan man o matanda. Dito rin nanumbalik ang mapanganib na red-tagging bilang taktika upang patahimikin ang mga boses na nakikibaka, na humantong pa sa pagpaslang sa ilang mga aktibista sa panahong ito.


Sa kabila nito, hindi tuluyang napatigil sa pangangalampag at pagsigaw sa kalye ang mga Pilipinong nagtataglay ng diwa ni Bonifacio.


Para sa estudyante-aktibista na si Hanan mula sa Sinagbayan PUP, ang adhikain niyang pag-asa at hustisya ang nagsisilbi niyang sigasig para patuloy na makilahok sa aktibismo.


“Ang mga pag-atake at persekusyon ay simbolo ng patuloy na pagsupil ng mga mapanira't mapagsamantalang pwersa kung kaya't mas iigting at mas lalakas ang tinig namin para sa mga minoridad na sadyang hindi dinidinig,” wika niya.


Sa kalagayan ng aktibismo sa lipunan ngayon, tila umuulit ang kasaysayan—noong panahon ni Bonifacio, kapwa mga Pilipino niya ang pumaslang sa kanya. At para dagdagan ang konteksto, si Aguinaldo ang naging lider ng Katipunan nang siya’y naging Pangulo. Mga kapwa Katipunero, na tapat kay Aguinaldo, ang mismong pumaslang kay Bonifacio. Sa mga salita ng historyador na si Ambeth Ocampo, “pinatay siya ng rebolusyong siya mismo ang nagpakilos.”


Katulad ng kinabukasang minsang minithi ng Ama ng Katipunan noon, pangarap din ni Kyla, 20, ng SAMASA PUP-COC na maitaas ang kamalayan ng mga Pilipino hinggil sa mga naganap at nagaganap sa lipunan, gaya ng mga paglabag sa karapatang pantao.


“Naniniwala akong mula rito, kaya nating magsulong ng pagbabago, at hindi mangyayari iyon kung patuloy na nakapikit o nananatiling bulag ang bawat isa. Sa oras na matutunan nating makiramdam, magkakaroon tayo ng kapasidad na makita ang reyalidad. Mula rito, matututo tayong makialam, at dito lamang posible ang pagbabagong ating inaasam,” ani Kyla.


Ang mga pahayag nina Hanan at Kyla ay inaalingawngaw ang prinsipyo ng Katipunan sa ilalim ng pamumuno ni Bonifacio—mula sa masang Pilipino, para sa masang Pilipino. Alinsunod sa layunin ng Katipunan, pagkakaisa at pagkakabigkis-bigkis ng mga Pilipino ang susi upang mapuksa ang apoy ng inhustisya sa lipunan.


Ang aktibismo ay nasa puso ng demokrasya. Kung hindi dahil sa mga “nagrereklamo,” marami sa mga karapatang tinatamasa natin ngayon ang hindi natin makakamtan. Kung wala sila, mapapabayaan lamang ang mga mapang-abusong pwersa na pagsamantalahan ang kahit sino.


Hindi matuwid ang naging tuldok sa kwento ni Bonifacio matapos ng kanyang sinapit sa kamay ng mga kapwa Pilipino. Mula sa nakaraan at kasalukuyan, iisang aral ang kapupulutan natin—ang katapatan ay hindi dapat nasa mga mananakop na dayuhan, sa mapaniil na awtoridad, at mas lalong hindi sa pansariling interes. Sa pakikibaka, ang katapatan ayon sa ipinamalas ng Ama ng Katipunan, ay dapat nasa kapwa Pilipino, at sa lupang tinubuan.


Artikulo: Jennel Christopher Mariano

Dibuho: Rhea Dianne Macasieb


Comments


bottom of page