top of page

Ang kasalukuyang krisis sa transportasyon

Writer's picture: Drex Le JaenaDrex Le Jaena

Hindi maikakaila ang kasalukuyang sidhi ng krisis sa sektor ng transportasyon. Ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo ay hindi lamang nakaaapekto sa mga tsuper ng pampublikong transportasyon ngunit maging sa mga komyuter.

Ayon sa idinaos na press conference ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), noong Biyernes, Hulyo 15, ang pagsirit ng presyo ng petrolyo mula Enero hanggang kasulukuyan ay nagdulot ng malaking dagok sa kita ng mga tsuper. Mangilan-ngilang rollback pa ang inaasahan ng mga drayber ngunit hindi pa rin ito sapat para maibalik sa dating presyo ang langis. Sa kabuuan ay pumapatak ng halagang ₱52.00 ang presyo ng diesel at ₱49.00 ang gasolina.


Bago pa man pumutok ang balita ng giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia ay mayroon nang pagsirit sa presyo ng langis. Dahil sa kasalukuyang estado ng krisis sa petrolyo’t transportasyon ay napilitan nang tumigil ang ilan sa pag-biyahe dahil halos wala nang naiuuwing kita sa pamilya at labis na labis pa ang pagod.


Ang ayudang laan ng gobyerno, ayon sa ilang mga tsuper, ay hindi sapat sa kanilang pangangailangan at inaabot ng siyam-siyam bago makuha. Sa kabilang banda ay patuloy naman ang pagdaing ng mga komyuter sa taas ng pasahe at sa mahabang pila ng sakayan.


Karamihan ng mga tsuper ay kumo-konsumo ng 20 hanggang 30 na litro ng langis araw-araw. Sa kasalukuyan, umaabot na ng halagang ₱78.00 kada litro ang presyo ng langis. Dinadaing ng mga tsuper ang ₱313.00 hanggang ₱470.00 na natatapyas sa kanilang kita na dapat sana’y naipangtutustos na sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.


Bukod pa rito, ang pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar ay inaasahang mag-aambag sa mga serye ng pagtaas ng presyo ng langis mula sa international market, ayon sa transport group, na siya namang magpapalubog sa antas ng kabuhayan ng mga manggagawa sa sektor ng transportasyon.


Higit pa lalong magiging suliranin ang taas ng pasahe sa mga estudyante sa napipintong pagbabalik ng face-to-face classes sa mga susunod na buwan. Ang panawagan ng mga tsuper ay i-suspinde ang mga buwis sa langis tulad ng VAT at excise tax upang mapababa ang presyo nito’t maging ang pamasahe.


Makalipas ang anim na taong pamamalakad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nag-iwan lamang ito ng karahasan at kahirapan sa mga mamamayang Pilipino. Ang proyektong “Build, Build, Build” na naglalayong gumawa ng mga malalaking imprastraktura at gawing “Golden age of infrastructure” ang rehimen ay palpak at higit na inuna pa kaysa sa kalagayang pangkalusugan ng mamamayang Pilipino sa gitna ng pandemya.


Ayon mismo kay Duterte, ang “Build, Build, Build” ay isang investment na makatutulong sa pamamagitan ng paglikha ng mga trabaho at makahahalina sa mga dayuhan na mag-invest sa bansa.


“Our economic managers have seen infrastructure investment as an effective tool to help spur high growth, attract investments, create jobs, and achieve financial inclusion for all Filipinos,” saad niya.


Hindi na bago sa atin ang ganitong uri ng pagtingin sa pag-unlad, na ang paglikha ng karagdagang trabaho at pagkakaroon ng maraming investment ang siyang landas patungo sa kaunlaran ngunit lumipas na ang maraming taon at nananatili pa ring naghihikahos ang karamihan sa atin.

Isang danas lamang ng malubhang sakit ay lulubog sa utang ang mga Pilipino at muli na namang kailangang i-ahon ang sarili sa lusak ng kahirapan dulot ng mga ganitong pag-iisip patungkol sa ekonomiya. Marapat lamang na kuwestyunin kung ang mga polisiya bang ito ay para sa mamamayan o para lamang sa iilan.


Para kanino ba ang mga proyektong inilalatag ng gobyerno? Para kanino ang mga daanang patuloy na itinatayo sa ating mga lungsod gayong karamihan ng mga Pilipino ay mga manggagawang walang kotse? Isang lingon kapag trapik ay makikita ang linya-linyang mga pribadong sasakyan na siyang umo-okupa sa mga daanan.


Ang panawagan ay solusyonan ang pagtaas ng presyo ng langis, at unahin ang paglikha o pagdagdag ng mga konektadong pampublikong transportasyon gaya ng organisadong bus stops, karagdagang bagon ng mga tren na komportable’t maalwan, at suportahan ang mga pampublikong tsuper. Higit sa lahat ay itaas ang sahod ng mga manggagawa at ibaba ang presyo ng bilihin.


Ilan naman sa mga tsuper ay gumigising na nang maaga upang makarami ng pasahero ngunit kulang na kulang pa rin ang kita dahil sa presyo ng langis. Ang iba ay napilitan nang tumigil sa pagpasada. Sa kabilang banda, ang mga tsuper at konduktor na inarkila ng gobyerno para sa libreng sakay ay ginigipit pa ng gobyerno ang sahod.


Mahahabang pila, siksikan, mainit, mataas na presyo ng pamasahe, mababa, kulang na kulang na sahod, at araw-araw na sumasabak sa panganib ng COVID-19. Ito ang mga kondisyong pumeperwisyo sa mga komyuter. Hindi lamang mismo sa presyo ng langis ang krisis sapagkat ang isyung ito ay bago pa man pumutok ang giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia.


Ang problema sa transportasyon ay isa nang pangmatagalang isyu. Hindi makatarungan na kailangang gumising at maghanda ng isang ordinaryong Pilipino ng ilang oras para lamang makarating sa kanyang paroroonan, magtiis sa trapiko, at igaod ang pamamasada habang pinapatay sila ng mataas na presyo ng petrolyo. Ang uri ng transportasyong mayroon tayo ay hindi lamang dahas sa ating pisikal na katawan bagkus ay maging sa ating isipan at kabuhayan.

Dibuho: Timothy Milambiling

Comments


bottom of page