Isinabuhay ng mga Pilipino noong 1986 EDSA People Power Revolution ang pinakamataas na uri ng kalayaan na mayroon ang bawat isa—ang mag-alsa. Lumabas ang daan-libong mga tao mula sa kani-kanilang mga oryentasyon upang magsagawa ng mapayapang protesta laban sa tila hindi mapatid na diktadurang Marcos Sr. noon.
Ngayong taon ang ika-38 na anibersaryo ng EDSA, ngunit niyurakan ang esensya nito nang hindi ito isinama ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga legal holidays dahil araw ng Linggo naman ito. Bagama't walang batas na nagdedeklara sa Pebrero 25 bilang special non-working holiday, ito ay idinedeklara ng nakaupong pangulo bawat taon mula 1986.
Mababaw man ang dahilan ng paglaktaw ni Marcos Jr. sa selebrasyon ng rebolusyong nagpabagsak sa rehimen ng kaniyang ama, hindi maikakaila na malalim pa rin ang pagpapahalaga rito ng mga Pilipino dahil ito ang nag-uugnay at bumibigkis sa demokrasya ng bansa.
Sa kabila ng mga kinakaharap na isyu, mula bayan hanggang sa isyung pamantasan, ang esensya ng EDSA ay maisasabuhay pa rin sa modernong panahon. Ito ay dahil sa patung-patong na pang-aabusong kinakaharap ng mga Pilipino hanggang ngayon.
Kasalukuyang kumakaharap ang Pilipinas sa makabagong diktadura sa bihis ng Charter Change (Cha-Cha). Ipinipilit ng mga mambabatas ang walang dudang power grab sapagkat sila ang makikinabang kung ito ay pumasa. Sa kanilang panukala, pati ang porma ng gobyerno ay maiiba. Dagdag pa, maaalis din ang term limit ng mga politiko.
Matatandaang hindi inaprubahan ng Senado ang panukalang Cha-Cha sa ilalim ng mapanlinlang na People’s Initiative (PI) dahil hindi ito ayon sa disenyo ng Konstitusyon na itinatag ng mga Pilipino. Ang totoong porma ng Cha-Cha na ito ay rebisyon, hindi simpleng amyenda dahil ang PI ay idinisenyo upang pahintulutan ang mga tao na direktang magmungkahi ng mga amyenda sa Konstitusyon, hindi sa direktang pagbabago ng kabuuan nito.
Makikita rin ang manipestasyon ng diktadura at pananamantala sa mas lokal pang konteksto—sa ating Politeknikong Pamantasan. Niraratsada ngayon sa Kamara ang pagpapatupad ng National Polytechnic University (NPU) Bill na layong gawing pambansang politeknikong unibersidad ang Polytechnic University of the Philippines (PUP).
Sa pamamagitan nito, makatatanggap ng mas mataas na badyet ang unibersidad at madaragdagan ang kampus ng PUP sa Abra, Laguna, at Cagayan de Oro. Ngunit hindi ito matanggap nang buo ng mga PUPian dahil una, hindi nagkaroon ng konsultasyon ang mga mambabatas kasama ang sangkaestudyantehan ukol dito. Pangalawa, may mga probisyon sa NPU Bill ang maaaring magresulta sa pribatisasyon ng mga serbisyo sa loob ng pamantasan. Halimbawa nito ang pagpapaalis sa lagoon concessionaires kapalit ng mga pribadong korporasyon sa loob ng pamantasan.
Maaari namang ibigay ang titulong National Polytechnic University sa PUP kasama ang mga benepisyong kalakip nito nang walang bahid ng politika, negosyo, at personal na interes ng iilan. Bilang resulta, matatamasa ng sangkaestudyantehan ang demokratisasyon ng kalidad ng edukasyon, lalo na para sa mga higit na nangangailangan nito. Ito ay isang malaking hakbang tungo sa tunay na libreng edukasyon na dapat ay natatamasa ng lahat kung hindi lamang nagdudulot ng kalituhan ang ilan sa mga probisyong nakapaloob dito.
Manipestasyon ang mapanlinlang na Cha-Cha at NPU Bill na dinidiktahan tayo ng mga taong may kapangyarihan kung paano dapat tayo mabuhay. Ang kalayaan natin sa modernong panahon ay patuloy pa ring inaapakan ng mga mapang-abuso sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga batas na nakabalatkayong magsisilbi sa masa.
Pinapaalala sa atin ng EDSA ang kakayahan nating labanan at wakasan ang diktadura. Kaya sa tuwing mapapadpad tayo sa kahabaan nito, tandaan natin ang daan-libong Pilipinong nag-alsa upang wakasan ang diktadurang Marcos Sr.
Ang pangako ng EDSA para sa mas patas, makatao, at pantay na lipunan ay maisasabuhay pa rin natin sa kasalukuyang panahon. Kahit anong porma nito, sa buong bansa man o pang-pamantasan, ang kalayaan nating dalhin ang ating mga hinaing sa kalsada ay hindi nawawala dahil makakamtan lamang natin ang tunay na kalayaan kung wala nang taong pilit itong inaapakan.
Comments