top of page

ADMIN, Pa-post po!: May Kalayaan ba sa Freedom Wall?

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Isko entry #1…Isko entry #2….Isko entry #3


Ilang Isko Entry pa ba ang dadaan sa mga newsfeed natin bago mapagtanto ang tunay na gampanin ng mga freedom wall sa ating buhay? 


Kung isa ka sa mga nakaabot sa “OG” na mga freedom walls, hindi na bago sa‘yo ang makabasa ng mga hinaing ng mga estudyante sa kani-kanilang mga paaralan sa ganitong plataporma. 


Kung matatandaan, taong 2015 nang magsimulang umusbong ang mga ito. Nagsimula sa FEU Freedom Wall para sa mga mag-aaral ng Far Eastern University na hindi tumagal ay tumanggap na rin ng iba’t ibang entries mula sa lahat kahit na hindi galing sa kanilang unibersidad. 


Marami at iba-iba ang kwento rito; sa ganito nakilala ang University Secret Files kung saan isa ka mang Iskolar ng Bayan, Tomasino, Tamaraw, Atenean, Lasallian, o kahit anuman, ay maaari kang magpasa ng kahit na anong entry—rants, confession, inquiry. Pinananatili rin nila ang hindi pagkakakilanlan ng identidad ng kanilang mga sender. 


Sa patuloy na pagtakbo ng panahon, kasabay ng unti-unting pagkawala ng University Secret Files, nagsimula na rin magsulputan ang iba pang online freedom wall ng iba pang mga unibersidad gaya ng Sintang Paaralan. 


Ngunit, may kalayaan nga ba talaga tayo sa freedom wall? 


Isko Entry #1: Hindi nagtuturo si Prof!


Kung susubukan bilangin ang mga reklamo ng mga estudyante tungkol sa mga propesor na hindi nagtuturo at nagbibigay lang ng mga takdang gawain, hindi sapat ang iyong mga daliri. Naging normal na ang tagpong ito sa Sintang Paaralan—tagpong hindi naman dapat.


Sa kabila nito, masisiguro kaya natin ang kaligtasan ng ating identidad? Baka maging sobrang komportable ka na sa pagpapasa ng mga entries mo at hindi mo pansin na wala ka naman talagang ideya kung sino ang may-ari ng Facebook Page na pinagpapasahan mo ng mga rants mo.


Isko Entry #2: Shout out pala sa crush ko dyan, paano po mag move on?


Bilang daan upang maalis ang atensyon ng mga estudyante sa pagod na dala ng kani-kanilang mga responsibilidad, marami  ang umaamin sa kanilang mga natitipuhan gamit ang mga freedom wall. Kung minsan pa nga ay kaklase at kaibigan lang nila ‘yung pinaparinggan nila. 


Sa kabila ng katorpehan, hindi rin mawawala ang nagpapasa ng mga saloobin nila tungkol sa kani-kanilang mga heartbreak. May iba na nanghihingi ng payo kung paano ang shoot your shot moves kay crushie habang ang iba’y para naman tuluyan na silang maka-move on. 


Isko Entry #3: Shout out sayo, may kasalanan ka pa sa akin!


Sa kabila ng ating freedom of expression o freedom of speech, minsan hindi na napapansin na ang mga sumisyon ay isa ng uri ng cyberbullying. Mula sa mga pabigat na kagrupo sa thesis, kaklaseng hindi kasundo, orgmates na palaging tutol sa mga desisyon natin, hanggang sa mga taong kinaiinisan sa loob ng Sintang Paaralan. 


Kung mapapansin, ang mga entries na “galit” o nagpapakita ng labis na emosyon at gigil ay inuulan ng mga “haha reacts.” Dahil maraming mga indibidwal ang ginagawang katatawanan ang mga ganitong klaseng paglalahad ng emosyon. 


May mga bagay na kinakailangang pag-usapan nang pribado at hindi na kinakailangang idaan pa sa freedom wall. 


Napahiya mo ‘yung kinaiinisan mo, marami na ang sumali sa usapan kahit na hindi naman nila kilala ‘yung tao, ano ang maaaring mangyari kung sakaling maapektuhan ang mental health at seguridad at kaligtasan ng indibidwal? Sino ang dapat sisihin, si sender dahil siya ang gumawa ng mensahe, o si admin dahil kahit alam niyang nakakapinsala ay isinapubliko niya pa rin? 


Ganito ba ang kapangyarihan ng freedom wall? Ang bigyan tayo ng kapangyarihan na mambaba, mamahiya, at manira ng kapwa? 


Hanggang saan ba ang ating kalayaan sa mga ganitong klase ng sitwasyon? 


Isko Entry #4: Public Apology? No.


Sa dami ng pagkakaibigang nasira dahil sa simpleng pagtatapat, may nagtangka bang gumamit ng freedom wall upang humingi ng paumanhin? May pananagutan na bang nangyari matapos ang mga pambubully?


Kahit na anong katayuan sa unibersidad ay may kakayahang gumamit ng freedom wall, maging ang mga lider-estudyante ay malayang makapagpasa ng mga entries nila rito. Kung sakaling isiwalat ang ating mga pangalan bitbit ang organisasyong kinabibilangan, magpapakita ba tayo ng pananagutan o patuloy na isisiksik ang sisi sa ibang tao dahil hindi pwedeng mabahiran ng dumi ang ating mga pangalan? 


Bilang isang lider, etikal ba ang paggamit ng mga freedom wall? 


Sa ilang taon natin sa Sintang Paaralan, dumapo na ba sa ating isipan kung ano ba talaga ang gampanin at kahalagahan ng mga ito? 


Nakatutulong ba talaga ito sa mga estudyante, o mas nagiging mitsa pa ito ng patuloy na pag-aaway at pagkakawatak-watak ng bawat Iskolar dahil sa mga bagay na hindi mapagkasunduan? 


Mayroon nga bang tunay na kalayaan sa ating mga freedom wall, o ginagamit lang natin ito dahil mas malakas ang loob nating magsalita kapag hindi tayo nakikilala? 


Ito ba ay para sa patuloy na pagpapalaganap ng ating kalayaan sa paghahayag o isa lamang itong paraan upang takpan ang mga bagay na hindi natin kayang sabihin nang harapan?


Ano man ang gampanin ng mga freedom wall sa buhay ng bawat Iskolar ng Bayan, maiging tandaan na dala-dala ng mga ito ang imahe ng unibersidad. 


Artikulo: BAMJSCMSG

Grapiks: Kent Bicol



Comentarios


bottom of page