top of page
Writer's pictureKhengie Ibana Hallig

LIFESTYLE AND CULTURE | Abante Babae!

“𝗕𝗮𝗯𝗮𝗲 𝗞𝗮𝘀𝗶,”: 𝗠𝗮𝗿𝗶𝗮 𝗖𝗹𝗮𝗿𝗮 𝗶𝗻 𝗵𝗲𝗿 𝗚𝗶𝗿𝗹𝗯𝗼𝘀𝘀𝗶𝗻𝗴 𝗘𝗿𝗮


“Babae kasi,” bulong nila.



Malinaw pa sa mga pahina ng nobela ni Rizal ang mga salitang sumasalamin sa mga katangian ni Maria Clara. Maganda, mahinhin, malumanay, at iginuhit ng lipunan bilang isang indibidwal na kadalasang nakikitaan ng kahinaaan.


Ang larawan ni Maria Clara ay naging isang malaking representasyon ng mga kababaihan mula noon hanggang sa modernong panahon—mahinahon, emosyonal, at higit sa lahat, isinasadlak ng patriyarkal na lipunan na sila’y walang puwang sa tagisan sa larangan ng pag-angat, pagtayo sa sariling mga paa, at pagtatagumpay.


Iminulat si Maria Clara sa mga gawaing nakakulong sa kanyang kasarian. Itinuon ng lipunan ang kanyang isip sa mga bagay at mga gampaning anila’y nararapat sa kanya dahil “babae” siya. Saan mang sektor ng lipunan ay naroon ang paulit-ulit na hirap sa pagkawala sa tanikalang nililimitahan ang kanyang kakayahan.


Sa tahanan, kinagisnan ni Maria Clara ang pagtupad sa mga gawaing bahay—pagluluto, paglilinis, at pag-aalaga sa mga musmos sa pamilya.


Sa paaralan, iniukit ang kanyang isipan bilang mas mababa sa kasalungat na kasarian, dagdag pa ang katotohanang hindi nabibigyan ng pagkakataong pumasok sa akademya ang mga kababaihan dahil sa katuwiran ng lipunan na hindi iyon para sa kanila.


Mga lalaki lamang rin noon ang may pribilehiyo sa propesyunal na larangan samantalang ang mga kababaihan ay nakakulong sa kahon ng limitadong kapalaran.


Ang dahilan, “Babae kasi,”.


Labis ang pagkakaroon ng malaking pagitan sa mga kababaihan at mga kalalakihan noong unang panahon pa man at maging sa kasalukuyan. Nariyan pa rin ang pangmamaliit sa isang indibidwal dahil lamang “babae siya” na tila ba itinuturing ng mapangmatang lipunan ang salitang ito bilang isang insulto sa katauhan ng isang tao.


Ito rin ang nagiging isang dahilan ng pagkakaroon ng balakid sa pagkamit ni Maria Clara sa inaasam na tagumpay na kung mapagbibigyan lamang ay paniguradong kaya niyang abutin.


Sa patuloy na pag-inog ng mundo ay namamasdan na ni Maria Clara ang pagbabago sa mga kaisipan at larawang itinarak sa kanyang isipan. Unti-unting nagbabago ang kanyang imahe sa mata ng lipunang palaging maliit ang turing sa kanya.


Ang kahon na nagiging kulungan ng kanyang kakayahan at abilidad ay unti-unting nagbubukas at nakikita ng lahat ang mga bagay na kaya niyang gawin.


Maniniwala ka ba kung sasabihin ko sa’yong si Maria Clara ay matagumpay nang naitatag ang kanyang pangarap at ngayon ay nakikipagsabayan na sa tagisan ng tagumpay at lakas ng loob sa karerang kanyang pinili?


Ilang patunay ang ngayo’y mga namamayagpag na kababaihang nagtatag ng sarili nilang mga pangalan sa mga linyang kanilang pinili partikular na sa mundo ng pagnenegosyo. Isa sa matagumpay na Maria Clara si Dr. Vicky Belo na nagtatag ng kauna-unahan at kaisa-isang ambulatory cosmetic surgicenter sa Pilipinas.


Nariyan din si Zarah Juan na kilala sa pagtatag ng linya ng kanyang mga eco-friendly bag na nagsisilbing representasyon ng mga kwento ng mga pamilyang Pilipino. Ito rin ay nagbunga ng pagkakaroon niya ng pagkakataong tumulong na magbigay ng kabuhayan sa mga local weavers at craftswomen.


Sino rin ba ang hindi makakikilala kay Nina Ellaine Dizon-Cabrera na nagtatag ng Colourrete Cosmetics na kilala higit ng mga kababaihan at mga kabataan.


Hindi rin padadaig ang pangalan ng nagtatag ng pinakamalaking bookstore chain sa Pilipinas na si “Nanay Coring” o Soccoro C. Ramos ng National Bookstore. Patuloy din ang pag-angat ng pangalan ni Kyla Cañete na nagtatag naman ng ngayo’y sikat na sikat na jewelry line na “Tala by Kyla” na tinatangkilik hindi lang ng mga kabataan kundi ng kahit ano mang edad.


Maingay rin ang pangalan nina Corazon D. Ong na nagtatag ng CDO Foodsphere, Mica Tan na isa sa nagtatag ng MFT Group, Rica Plaza na siyang founder at managing director ng Architectural firm Plaza + Partners, Inc., at Arielle Escalona na managing director din ng Fruit Magic Co. Inc.


Lahat sila, namamayagpag.

Lahat sila, matagumpay.

Lahat sila, babae.


Sariwa sa alaala ni Maria Clara ang pait ng nakaraan sa tuwing itinuturing na insulto ang pagiging isang babae ngunit sa unti-unting pagbubukas ng mata ng lipunan sa mga kakayahan na kayang ipamalas ng mga kababaihan, mariing naitutulak at naisusulong ang kanilang karapatan at pantay na pagtingin sa kanilang mga abilidad.


Unti-unti nang bumubukas ang kahong kumukulong sa kanilang mga talento at malawak na kaisipan. Kaunti na lamang ay mapipigtas na ang tanikalang nagiging balakid upang maihayag nila ang mga bagay na hindi lamang ang kanilang kasalungat na kasarian ang kayang gumawa.


“Babae kasi,” bulong nila.


Noon, sa tuwing maririnig iyan ni Maria Clara ay nais na lamang niyang magkubli at bumalik sa kahong pinagkulungan ng kanyang potensyal at kakayahan ngunit ngayon, sa tuwing maririnig niya ito, taas-noo na niyang iwinawagayway ang mga bagay na noon ay ipinagkait sa kanya.


“Babae kasi,” bulong nila.


Babae kasi,


Kaya matapang, maabilidad, matagumpay, at ngayon ay namamayagpag.


Artikulo ni: Khengie Hallig

Dibuho: Alyssa San Diego


Comments


bottom of page