top of page

Mga direktor, manunulat, kinilala sa FilACinema exhibition

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Matagumpay na natapos ang film exhibition ng Film Aficionados Circle (FilAC) na pinamagatang “FilACinema” matapos itampok ang 13 maiikling pelikula mula sa iba't ibang produksyon sa bansa, sa COC Audio-Visual Room (AVR), Enero 23.

Layon ng programa na ipagpatuloy ang paglalathala ng pelikulang mapagpalaya sa bansa.


Tatlo sa mga ipinalabas na pelikula ay mula sa mga estudyante ng Sintang Paaralan kung saan umani ito ng iba't ibang parangal sa Sineminuto Short Film Festival 2023.


Bukod pa rito, nagsagawa rin ng talkback session para sa mga direktor at manunulat ng mga itinampok na pelikula kung saan sinagot nila ang mga katanungan ng mga manonood.


Isa sa mga naging tanong ay ang naging inspirasyon ng bawat pelikula na siyang sinagot ng pitong direktor at isang manunulat na dumalo sa programa.


"We wanted to make a film about animals, especially cats, connected din sa trauma namin kasi they are neglected din," ani Julius Renomeron Jr., na isa sa mga manunulat ng “Hot Seat”.


Bukod pa roon, sagot din ni Jermaine Tulbo, direktor ng “Ang Pamilya Maguol”, ginusto niyang takasan ang malungkot na balita noong kasagsagan ng pandemya ng mga namatay at bigyan ito ng ibang pananaw.


Mula naman kay Sean Romero, direktor at manunulat ng "The World We Left", nagtulak sa kaniya ang nangyayaring gulo sa buhay mag-asawa ng heterosexual couple na nasa iisang bubong, at ang hirap na dinadanas ng gay couple.


"Actually inipon ko lahat ng sinasabi ng magulang ko, ‘yung sakit, ‘yung HIV, na tatanda kang mag-isa, or ‘yung lived experience mahirap, gusto ko siyang baliin," sagot naman ni Bradley Jason Pantajo, direktor ng pelikulang “Love in the Ungodly Hour". 


Samantala, sumentro naman sa pinagdadaanang hirap ng mga nasa queer community sa paghahanap nila ng koneksyon sa ibang tao ang naging pokus ni Joshua de Vera, direktor ng “please, remember this night”. 


"Mas mahirap sa atin mag-build ng human connection kasi kapag may dumadating, may thought na 'Totoo ba 'to?', 'Ano ‘yung catch at kailan ito babawiin sa akin?' So doon nabuo ‘yung please, remember this night."


Ayon naman sa direktor ng pelikulang “Dumula ng Isa, Dalawa, Tatlo” na si Stephen Dela Peña, ninanais niyang gumawa ng pelikula na magbubukas ng diskusyon sa paghihirap ng mga nasa larangan ng midya at paggawa ng pelikula.


Huling sumagot sa katanungan si Rafael Nuyad, direktor ng ng pelikulang "Bakit Maingay Ang Edsa?" kung saan binanggit niya na ang inspirasyon ay ang simbolismo ng pagkamit ng kalayaan at demokrasya sa EDSA.


Kalaunan, ibinahagi rin nila ang mga pansariling karanasan ng bawat produksyon mula sa kakulangan ng badyet, kagamitan, at oras hanggang sa paghahanap ng aktor at aktres na gaganap sa mga pelikula.


Binigyang-diin nila ang tungkol sa paniniwalang walang pera sa industriya ng midya at paggawa ng pelikula, kung saan sumagot ang bawat direktor sa kani-kanilang pananaw tungkol dito.


Nagpayo si Dela Peña sa mga nagnanais sumubok sa mundo ng paggawa ng pelikula na huwag magpadala sa takot sa industriya at palaging isipin ang mga bagay na nagpasiklab at nagbigay ng inspirasyon na tahakin ang mundo ng pelikula.


Bilang pagtatapos, ginawaran ng pagkilala ang mga direktor na dumalo sa nasabing programa at nagsagawa rin ng photo opportunity.


Artikulo ni: Parzyval Valdez

Grapiks: Ma. Criselda Lizada

Kuha ni: Christian Melvin Arejola

Comments


bottom of page